Publiko, doble-ingat vs. scam
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | April 22, 2026

May nabisto na namang scam hub kung saan halos 50 katao ang naaresto.
Ito ay malinaw na ebidensya ng lumalalang organisadong panloloko sa bansa.
Hindi na ito simpleng krimen—isa na itong industriya na nagpapabagsak sa tiwala ng taumbayan.
Maganda ang naging aksyon ng mga otoridad, ngunit hindi sapat ang hulihin lang ang mga nasa ibaba. Kailangang matukoy at mapanagot ang mga utak sa likod ng mga operasyong ito at pati na ang mga nagsisilbing protektor kung meron man. Kung hindi, magpapatuloy lang ang ganitong kalakaran. Ang masaklap, mas lalo pa silang mamamayagpag.
Ngayon pa lang ay nakikita na natin kung paano sila nakakalusot. Malaya silang 'nakakapagnegosyo' sa mga gusali at nakakakuha pa ng mga empleyado. Halos lantaran na ang ginagawa nilang panloloko at pang-aabuso.
Dapat ding maging mas mapanuri ang publiko. Maraming naloloko dahil sa kakulangan sa kaalaman at pag-iingat sa online transactions. Hindi lahat ng alok na magandang bagay o madaling pera ay totoo.
Sa huli, ang laban sa scam ay hindi lang responsibilidad ng pulisya. Kailangan ng mas mahigpit na batas, mas malawak na edukasyon, at aktibong pakikilahok ng mamamayan.


Comments