by Info @Editorial | Nov. 11, 2024
Ilang users ng isang e-wallet ang nagulat, nataranta at nagreklamo nang biglang mawalan ng pera sa kanilang account.
Dahil dito, may mga personal na pangangailangan na naantala at negosyong naabala. Ang panawagan pa nga ng mga naapektuhan ay pagmultahin o kasuhan ang nagpabaya sa insidente.
Hindi maikakaila na malaki ang naitutulong ng mga e-wallet o digital wallet sa pagpapadali ng mga transaksyon. Mula sa pagbabayad ng bills, pamimili online, pagpapadala ng pera sa mga mahal sa buhay, hanggang sa mga negosyo, kumbaga, bahagi na ito ng araw-araw na buhay ng tao.
Gayunman, sa kabila ng mga benepisyong ito, may mga alalahanin o panganib ding kaakibat ang paggamit ng e-wallet na dapat bigyan ng tamang atensyon at proteksyon.Isa sa mga pangunahing isyu na kinakaharap ng mga gumagamit ng e-wallet ay ang seguridad. Ang mga kaso ng online fraud, identity theft, at phishing ay patuloy na dumarami, at karamihan sa mga biktima ay hindi alam kung paano mapoprotektahan ang kanilang impormasyon o pera.
Hindi rin ligtas sa mga hacker ang mga e-wallet, kaya’t kailangan ng mga gumagamit ng sapat na kaalaman at kasanayan sa pagpapalakas ng kanilang digital security. Maraming tao ang patuloy na gumagamit ng madaling hulaan na password o hindi pinapalitan ang default na PIN code, kaya’t nagiging madaling target ng mga cybercriminal ang kanilang account.
Sa kabilang banda, ang gobyerno at mga financial institutions, tulad ng mga bangko at mga kumpanya ng digital wallet, ay may tungkulin ding magbigay ng proteksyon sa kanilang mga kliyente. Dapat ay palakasin ang mga regulasyon ukol sa cybersecurity at magbigay ng mga programang pang-edukasyon para sa mga gumagamit ng e-wallet.
Bukod pa rito, ang mga e-wallet provider ay kailangang mag-innovate ng mga mas matibay na sistema upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang platform.
Comments