top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Problemado dahil tinakasan ng bff na may P.5 M utang

BULGAR
Apr 5, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 5, 2022


Dear Sister Isabel,


Napakasakit ng nararamdaman ko ngayon dahil niloko ako ng best friend ko. Tiwala ako sa kanya dahil mula pagkabata ay magkakilala na kami. Inutangan niya ako ng malaking halaga, pero nawala siya at hindi na nagpakita. Hindi ko alam kung saan siya pumunta.


Halos kalahating milyon ang inutang niya sa akin at pinaghirapan ko ang perang ‘yun, at kaya ko siya pinagbigyan ay dahil nagdrama siya sa akin at naawa naman ako sa kanya, ‘yun pala ay lolokohin niya lang ako, bigla siyang nawala nang mahawakan ang perang ipinahiram ko.


Masamang-masama ang loob ko sa kanya dahil hindi ko akalain na mayroon palang tao na itinuring mong kaibigan, pero gagawan ka ng kawalanghiyaan.


Sister Isabel, tulungan mo akong matanggap ang panlolokong ito ng best friend ko. Alam ko na sa pamamagitan ng payo n’yo ay gagaan ang pakiramdam ko.



Nagpapasalamat,

Jennifer ng Cainta, Rizal



Sa iyo, Jennifer,


Sadyang ganyan ang buhay sa mundo, hindi dapat magtiwala kaninuman, maging ito’y matalik mong kaibigan, kakilala at kasama mula kamusmusan.


‘Ika nga, the damage has been done. Mag-iiyak ka man ngayon, mauubos lang ang luha mo dahil hindi mo na alam kung nasaan na ang best friend mo. Rest and relax, tanggapin mo na ang lahat ay may kani-kanyang pagsubok sa buhay. Sinusubukan ka ng tadhana kung gaano ka kabait sa iyong kapwa, gayundin kung gaano ka maawain, matulungin at mahinahon sa sandali ng mga suliranin sa iyong buhay.


Sabi nga, may kapalit ang anumang nawala. Sa ibang paraan, babalik din sa iyo ang perang ipinahiram mo. Tutulungan ka ng Diyos dahil nakapasa ka sa pagsubok at hindi ka gumawa ng marahas na hakbang. Makikita mo, may grasyang darating sa iyo sa susunod na mga araw nang higit pa sa perang nawala sa iyo. Gagantimpalaan ka ng tadhana, sunod-sunod ang iyong magiging pagpapala. Kaya mula ngayon, maging kalmado ka at ipaubaya mo sa Diyos ang lahat. Take care of today’s problem, leave tomorrow in God’s hand. Patawarin mo na ang best friend mo dahil may kaukulang karma ang naghihintay sa kanya. Alalahaning lahat ng kasamaan ay may kaparusahan. Lahat ng kabutihan, may gantimpalang nakalaan.


Magsilbing aral nawa sa iyo ang nangyari. Sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page