top of page
BIDA - KUH, PABOR SA TITO-KIKO TANDEM SA 2028, SINOPLA NG NETIZENS-IG _kuhledesma &reallys

Problemado dahil ‘di makasundo ang malditang anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 8, 2021
  • 3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 8, 2021



Dear Sister Isabel,


Bakit baligtad na ang mga anak ngayon, sila na ang dapat masunod at wala nang respeto sa mga magulang nila? Ibang-iba sila sa panahon namin dahil tingnan ka lang ng mga magulang mo, susunod ka na at malaki ang paggalang namin sa kanila.


Isa ako sa dumaranas ng paghihirap dahil sa kawalan ng respeto ng anak ko at nagsasalita pa lamang ako ay binabara na, kumbaga, sinasabayan ang pagsasalita ko at palaging nakakontra.


Sister, senior citizen na ako, pero hindi ko pa naranasang maigalang o respetuhin ng sarili kong anak. Napakasakit na kapag pinapangaralan o pinapayuhan ko siya, siya pa ang galit.


Pinagpapasensiyahan ko na lang siya dahil ayokong nakikipagsigawan at nakakahiya sa mga kapitbahay. Isa pa, ayaw niya talagang makinig, kaya wala akong magawa kundi pumasok na lang sa aking kuwarto para magdasal at hilingin sa Diyos na katukin ang puso ng anak ko at maisip niya na mali ang ginagawa niya. Gayundin, upang maisip niya na kung ano ang gawin mo sa magulang mo, gagawin din sa iyo ng anak mo balang-araw at doon pa lang niya mararamdaman ang sakit at hapdi sa kalooban ng isang ina na magkaroon ng anak na kagaya niya ang ugali.


Siya nga pala, maaga akong nabiyuda, kaya iniwanan ko siya upang magtrabaho sa abroad at lumaki siya sa pangangalaga ng mga kapatid ko. Ngayon ko lang naisip na sa panahon ngayon, ibang-iba na ang pag-uugali ng mga bata at walang nagagawa ang mga magulang kundi ipagdasal na lang sila. Kung hindi, tiyak na sigawan, awayan, walang katapusang pagtatalo dahil palaging sila ang tama.


Sa inyong palagay, Sister Isabel, tama ba ang ginagawa ko na ipagdasal na lang ang anak ko na sana ay baguhin ni Lord ang ugali niya? Isang umaga ba ay magising na lang akong may respeto at pagmamahal na sa akin ang anak ko? Maghihintay ako ng inyong kasagutan.



Nagpapasalamat,


Donita ng Zambales


Sa iyo, Donita,


Una sa lahat, binabati kita ng isang mapagpala at magandang araw. Hanga ako sa pagiging pasensiyosa mo at lawak ng pang-unawa sa ugali ng iyong anak. Tunay ngang ang kabataan ngayon, karamihan ay walang respeto sa kanilang mga magulang, mababaw lamang ang pagmamahal nila sa kanilang ama at ina. At tama ka, baligtad na ngayon ang mundo dahil anak na ang dapat masunod at minsan, sila pa ang nagpapangaral sa magulang, sa halip na sila ang pangaralan. Kapag pinatulan mo naman, gulo at hindi pagkakaunawaan ang ibubunga at habambuhay na masama ang loob nila. Kaya lang, hindi na yata tama ang ginagawa sa iyo ng anak mo. Baka nakakalimutan na niyang ikaw ang ina at anak siya.


Makabubuting magpatulong ka sa kapatid mo o sa isang tao na mataas ang pagrespeto niya. Ipaunawa mo sa kanya na nasasaktan ka sa ginagawa niya sa iyo, gayundin, ipaintindi mo na ang magulang ay dapat igalang at mahalin. At ang sikreto ng buhay upang pagpalain ang mga anak at magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap ay ang paggalang at pagmamahal sa magulang gaya ng sinasabi sa Banal na Kasulatan.


Mariing hinabilin ng Diyos sa Bibliya na igalang at mahalin ang iyong ama at ina upang pagpalain ka, hindi dumanas ng kapighatian at kahirapan sa buhay, sa halip ay mga pagpapala at biyaya. Sa palagay ko, ‘pag nakausap siya ng kapatid mo o ng sinumang tao na iginagalang niya, magliliwanag na ang isipan ng anak mo. Mamahalin at rerespetuhin ka na niya hanggang sa huling sandali ng buhay mo sa mundo.


Sumasaiyo,


Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page