Problema sa sektor ng transportasyon, dapat tutukan
@Editorial | June 27, 2022
Malaking krisis sa sektor ng transportasyon ang kinahaharap ngayon ng mamamayan.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, higpit pa more ng sinturon ang marami sa atin. Mayaman man o mahirap, alam ang importansya ng sentimo dahil katumbas nito'y patak ng gasolina.
Bagama't may pangakong ayuda ang gobyerno, hindi rin sapat dahil kaliwa't kanan naman ang gastusin at bayarin.
Kaya’t ang pagtutok sa problema ng sektor ng transportasyon ang isa sa mga hiling ng mamamayan na tututukan ng gobyerno.
Kaugnay nito, pinangalanan na ni President-elect Ferdinand Marcos si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) Deputy Administrator Cesar Chavez bilang Undersecretary-designate para sa Rails ng Department of Transportation (DOTr).
Bago na ang mukha ng pamahalaan, umaasa tayong may pagbabago na rin sa ating sistema, partikular sa sektor ng transportasyon--pagbabago na magdudulot ng pag-unlad at hindi panibagong problema.
Sa kabila ng mga pagtaas-presyo ng mga bilihin, partikular ng presyo ng gasolina, kailangan ng diskarte at mahabang pasensya.
Kasabay ng pagbibigay-solusyon ng gobyerno, galingan na lamang din natin sa sariling kakayahan.



Comments