Problema sa basura, palala nang palala
@Editorial | May 22, 2022
Patuloy ang pagdami ng mga nakokolektang basura sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Maaaring nakadagdag ang mga naiwan ng eleksyon pero grabe pa rin ang mga nakukuha mula sa mga bahay.
Nakakabahala ito lalo’t pumasok na ang tag-ulan na sinusundan ng baha.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa halos araw-araw nilang paglilinis ay tila hindi nauubos ang mga basura.
Nakipag-ugnayan na sila sa mga local government units (LGUs) para atasan ang palagiang paglilinis sa mga nasasakupan.
Malaking bagay sana kung magsisimula ang lahat sa bawat tahanan. Sa kabila ng alam naman natin ang masamang naidudulot ng basura lalo na ‘yung mga hindi naitapon nang maayos, tila dedma pa rin ang karamihan.
Pamilyar na tayo sa pagre-recycle pero bakit parang hindi pa rin magawa? May iba na nagagawa nang umiwas sa paggamit ng plastik dahil sa mga alternatibong lalagyan.
Makatutulong din ang patuloy na pagpapaalala ng mga opisyal ng barangay sa kanilang mga nasasakupan na laging maglinis.
Ito ang problema na hindi kakayanin ng gobyerno o ng mga grupong nangangalaga sa kapaligiran, lahat ay kailangang kumilos.
Nakikita naman natin kung gaano kalala ang epekto ‘pag may mga basurang nakabara sa mga daluyan ng tubig. Bukod sa baha, iba’t ibang sakit din ang puwedeng magsulputan.
Kaya pakiusap sa lahat, maging responsable, disiplinado at mapagkalinga sa ating kalikasan, para din ito sa ating mga anak.



Comments