top of page
BULGARY - ROBIN, IPAPASA KAY DANIEL ANG TRONO BILANG BAD BOY_FB Robin Padilla & Daniel Pad

Problema sa basura, banta sa kalikasan at kalusugan

  • BULGAR
  • Jan 3, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 3, 2023

Sinalubong ng tone-toneladang basura ang isang environmental watchdog matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.


Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya ang EcoWaste Coalition nang nagsagawa ito ng ocular monitoring, kung saan nadatnan nila ang tambak ng basura na naiwanan sa mga kalye ng Metro Manila, na tinatayang umabot sa 3.7 milyong tonelada.


Naobserbahan ang bundok ng Metro trash, kabilang ang mga food waste, disposable beverage at food container at iba pang basurang naiwan mula sa mga pagtitipon na isinagawa sa pagsalubong sa Bagong Taon, gayundin ang mga debris ng fireworks at firecrackers, lalo na sa mga matataong residential areas.


Bukod pa rito, nakitaan din ng mga tira-tirang paputok ang mga kalsada na hindi umano itinakda ng mga awtoridad bilang firecracker zone.


Matatandaang noong kasagsagan ng holiday season ay paulit-ulit na paalala at pakiusap ang isinagawa sa taumbayan na sikaping maging malinis ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon. Kumbaga, iwasang mag-iwan ng mga kalat sa pasyalan at hangga’t maaari ay mag-recycle ng mga pambalot ng regalo at dekorasyon para iwas-kalat.


Gayunman sa kabila ng mga paalala ay hindi pa rin naiwasan ang tambak ng basura.


Sa totoo lang, batid nating mula noon hanggang ngayon ay problema na ang basura. May pagdiriwang man o wala at kahit saan ka man mapunta, tiyak na may tambak ng basura, bagay na malaking banta sa kalikasan at kalusugan.


Kaya ngayong 2023, pakiusap sa lahat na sikapin nating maging disiplinado, lalo na pagdating sa ating mga kalat.


Isama sa pagbabago ang pagiging responsable sa lahat ng pagkakataon at iwasan nating iasa sa iba ang kalinisan dahil ito ay dapat magmula sa ating mga sarili.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page