top of page

Price cap sa LPG, reaksyon lamang sa krisis, 'di solusyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | March 29, 2026



Editoryal, Editorial


Inihihirit ang price cap sa LPG sa gitna ng tumitinding krisis sa langis sa Middle East. Habang nagkakagulo sa rehiyong pinanggagalingan ng malaking bahagi ng suplay ng langis, natural lang na sumipa ang presyo sa pandaigdigang merkado. Pero ang tanong: masasagot ba ito ng simpleng pagtatakda ng price cap?


Kapag nagkakaproblema ang Middle East, agad itong ramdam sa Pilipinas. Ibig sabihin, kahit lagyan ng limit ang presyo sa lokal na merkado, hindi nito mababago ang mahal na bili sa labas ng bansa.


Sa halip, maaaring lumala pa ang sitwasyon. Kung pipilitin ang mababang presyo, posibleng umatras ang mga supplier na bumibili sa mas mahal na pandaigdigang presyo. Ang resulta: kakulangan sa suplay. 


Ang price cap ay tila mabilis na sagot sa isang komplikadong problema. Pero sa harap ng pandaigdigang krisis sa langis, hindi sapat ang ganitong hakbang. Ang kailangan ay malinaw na plano: pag-iimbak ng suplay, paghahanap ng alternatibong pinagkukunan, at pagbawas ng pagdepende sa imported na enerhiya.


Sa huli, hindi natin makokontrol ang nangyayari sa Middle East. Pero maaari nating ayusin kung paano tayo naghahanda at tumutugon. Ang price cap ay reaksyon lamang—hindi solusyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page