Presyo ng school supplies, bantayan
@Editorial | August 14, 2022
Abala na ang marami sa pamimili ng mga gamit sa eskwela.
Mas mahirap mag-budget ngayon dahil maraming gastusin at nagtaasan pa ang presyo ng mga bilihin.
Kaugnay nito, inilabas naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bagong listahan ng price guide para sa mga school supplies.
Napag-alamang ni-revise ang “Suggested Retail Price” o SRP list para sa school supplies dahil hindi umano detalyado ang lumang listahan.
Ang listahan ay may mga tatak at mga detalye na -- sukat, kalidad, brand name at kahit mayroon silang generic o character na disenyo. Ang impormasyong ito ay makatutulong sa mga magulang at mag-aaral na ihambing ang presyo sa mga tindahan.
Bagama't may mga nagsasabing hindi na kailangang maglabas ng SRP dahil mababa naman umano ang presyo ng mga gamit pang-eskwela, iba pa rin kung may gabay ang mga mamimili.
Sa pamamagitan nito, mas madali ang pagba-budget at maiiwasan ang panloloko. Batid naman natin na may mga pasaway at abusado pa rin talaga.
Lahat naman ay apektado ng pandemya at krisis, lahat ay kailangang kumita pero, hindi kailangang manlamang ng kapwa.
Kaya sa mga nagbabalak na mag-overprice, hindi kayo makakaporma dahil bantay-sarado ang presyuhan.
Hindi lang sa school supplies, dapat ganito rin sa lahat ng bilihin.



Comments