Pressured mag-abroad dahil sa parents, matutuloy at uunlad
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 30, 2022

KATANUNGAN
Graduate ako ng kursong Nursing at board passer ako. Ayaw ko sanang mag-abroad, pero pinipilit ako ng mga magulang ko dahil mas malaki ang suweldo sa ibang bansa. Pero kung ako lang ang tatanungin, mas gusto ko sa ospital na pinapasukan ko ngayon. Kaya para hindi na rin ako i-pressure ng mga magulang ko, kahit medyo labag sa kalooban ko ay nag-aayos na ako ng mga papeles para makarating sa Canada.
Ang problema, Maestro, sa kakabasa ko ng mga artikulo n’yo, nakita ko sa aking kaliwa at kanang palad na parang wala naman akong Travel Line.
Sa palagay n’yo, kahit wala ba akong Travel Line ay makakapag-abroad ako at magkakaroon ng magandang kapalaran sa ibang bansa?
KASAGUTAN
Kapag square type, spatulate type o elementary type ang palad ng isang indibidwal, ibig sabihin ay malaman, spongy o tumatalbog-talbog kapag sinalat, puno ng enerhiya, mamula-mula o mala-kulay pink ang palad, ibig sabihin ay buhay at puno ng libido. Kapag ganito ang hilatsa ng palad, tunay ngang kahit walang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ang kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal na tulad mo, siya pa rin ay posibleng makapanging-bansa.
Makukumpirma mo na ikaw ay nagtataglay ng sinabing mga uri ng palad kung kaunti, tatlo o apat lang ang guhit sa kaliwa at kanan mong palad. Tandaang mientras kaunti ang guhit sa palad, gaya ng Life Line (L-L arrow b.), Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.), Head Line (H-H arrow g.), Fate Line (F-F arrow e.) at Marriage Line lang (1-M arrow d.), sinasabing ang mga indibidwal na kaunti ang mga guhit sa palad ay nagtataglay ng tinatawag na “will power”. Ito ay tanda na may kakayahan silang pangibabawan ang takdang kapalaran.
Ibig sabihin, hindi sila kasali sa mga taong may nakatakda nang kapalaran at kahit ano pa ang gawin ay hindi na nila ito mababago pa. Bagkus, kapag kaunti ang guhit sa palad at square, spatulate at elementary type pa ang mga kamay, at pagkatapos ay mas malaki at mataba ang unang hati ng hinlalaki (arrow f.) kung ikukumpara sa ikalawa o ibabang hati (arrow h.), tulad ng nasabi na, may determinasyon, lakas at will power ang nasabing indibidwal upang mahablot niya ang anumang klase ng tagumpay na kanyang ninanais, higit lalo kung nagtataglay pa siya ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow g.) sa kaliwa at kanang palad, tulad ng Head Line mo, Clarissa.
Ito ay tanda na nakatakda sa iyo ang makapangibang-bansa. Basta’t ginusto o pinangarap mo, siguradong makakamit mo ito dahil sa iyong will power o determinasyon na makapag-abroad.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Clarissa, kung nag-a-apply ka na ngayon upang makapangibang-bansa, walang duda na sa taon ding ito ng 2022, partikular sa buwan ng Oktubre at pinakamatagal na sa buwan ng Disyembre, gayundin sa edad mong 27 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments