top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Premier Volley League, level up sa pagbabalik

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 18, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 18, 2020




Ibang klaseng antas ng Volleyball ang aabangan ng mga tagahanga sa pagbabalik ng Premier Volleyball League (PVL) sa 2021. Nagsilbing panauhin sina PVL President Ricky Palou at star player Alyssa Valdez ang Creamline sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum kung saan naghatid sila ng maraming magandang balita tungkol sa pinakaunang ligang propesyonal ng Volleyball sa bansa.


Napipisil na magbubukas ang unang torneo sa Pebrero o Marso. Hinihintay na lang ang hudyat galing sa Games and Amusements Board (GAB) at Inter-Agency Task Force (IATF) upang magsimula ng mga ensayo sa katapusan ng buwang kasalukuyan. “Noong 2016 ay may usapan na kami sa GAB na maging propesyonal subalit hindi pa iyon ang panahon dahil marami sa aming mga atleta ay naglalaro din para sa kanilang mga kolehiyo,” wika ni Palou. “Noong nakaraang Disyembre ay pinag-usapan ito muli at nagpasya kami na ito na ang tamang panahon para maging pro.”


“Ang pagiging isang pro ay dagdag inspirasyon para sa amin na lalong pagbutihin ang aming laro,” wika ni Valdez na may karanasan na maglaro bilang pro sa Thailand at Taiwan. “Noon pa lang, itinuring at inalagaan kami na parang pro ng aming koponan subalit iba pa rin yung may pro na nakakabit sa inyong pangalan.”


Tinatayang babalik ang Creamline, Choco Mucho, PetroGazz, Banko Perlas, BaliPure, Chef’s Classics at Motolite habang ituturing na guest team ang mga koponan galing Sandatahang Lakas ng Pilipinas na Air Force at Army. Bibigyan ng GAB ng kanilang Special Guest License (SGL) ang mga sundalong atleta upang makalahok sa PVL.


Tatakbo ang buong torneo ng anim na linggo at mananatili ang lahat sa loob ng bubble. Sa ngayon, ang Inspire Sports Academy sa Calamba City at Trace College sa Los Banos, Laguna ang mga nangungunang kandidato para maging lugar ng mga laro.


Kukunin ng PVL ang parehong pangkat ng mga opisyal at reperi na tatawag sa mga laro. Kailangan din nila kumuha ng lisensya mula sa GAB.


Hindi hahadlangan ng PVL ang mga manlalaro nito sakaling magpasya silang magtayo ng unyon o samahan. “Nasa mga manlalaro iyan kung gusto nila, maganda iyan para mapag-usapan ang mga suliranin at kanilang proteksyon,” wika ni Palou.


Samantala, umaasa na makalaro din muli ang Spikers Turf oras na aprubahan ng GAB ang aplikasyon nito para maging unang ligang propesyonal ng Volleyball para sa kalalakihan. Itutuloy pa rin ang dating PVL Collegiate Conference at may panukala na tawagin ito na V-League na siyang unang pangalan ng PVL mula sa pagbukas nito noong 2004 hanggang 2017.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page