Pre-pandemic traffic, nagbalik na, pasensiya pa more!
@Editorial | October 23, 2021
Ramdam n’yo na rin ba ang bumibigat na daloy ng trapiko?
Halos nagbalik na sa ‘pre-pandemic traffic’ ang sitwasyon sa EDSA at kahit sa iba pang kalsada sa Metro Manila.
Maaaring dahil mas marami na ang nagbukas na establisimyento, balik-trabaho na ang iba at halos pinayagan nang lumabas ang lahat.
Kaugnay ng grabeng trapik, may mga panawagang ibalik na ang number coding scheme.
Bagay na hindi sinang-ayunan ng kinauukulan dahil hindi pa umano normal ang pampublikong transportasyon. May mga ipinatutupad pang limitasyon kontra-COVID-19.
Ganundin umano ang usapin sa pribadong sasakyan na nagsisilbing ‘personal bubble’ ng motorista.
Katuwiran ng mga opisyal ng gobyerno, kapag ipinatupad na ang number coding, marami na ang magsasabay-sabay sa iisang sasakyan at titindi ang posibilidad ng hawahan.
Kung hindi uubra ang balik-coding, kailangang makaisip ng ibang paraan upang maibsan ang tumitinding trapik.
Sa ngayon, panatilihin ang pagsunod sa mga batas-trapiko. Ang pagiging pasaway ang isa sa pangunahing dahilan ng problema sa kalsada.
May pandemya man o wala, maging disiplinadong motorista at komyuter.



Comments