top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pramis na magiging sekretarya sa Hong Kong, ‘di natupad dahil naging all around worker kaya gusto na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 20, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 20, 2021



Dear Sister Isabel,


Isa akong OFW at kahit pandemic ay nandito pa rin ako sa Hong Kong. Tinulungan ako ng tita ko na makapagtrabaho rito, at ang sabi ay magiging secretary ako ng kaibigan niyang Indian, pero pagdating dito ay all around pala. Hindi lang pala secretary kundi tagabuhat din ‘pag may dumarating na shipment ng mga product ng employer ko dahil kulang sa tao na magbababa ng product niya ‘pag idinaong na sa pantalan. Bukod pa rito, pinaglilinis ako ng bahay niya at inuutusan ng gawaing bahay, pero kulang na kulang ang sahod ko dahil hindi siya sumusunod sa tamang pasuweldo. Sinabi ko sa tiyahin ko ang aking kalagayan, pero hindi siya naniwala dahil nakausap daw niya ang amo ko at pawang kasinungalingan daw ang pinagsasasabi ko. Nang malaman ng amo ko na nagsumbong ako sa tita ko, lalong hindi naging maganda ang pagtrato niya sa akin. Gusto ko nang tumakas sa pinaglilingkuran ko, pero hawak ng employer ko ang aking passport at palaging nakabantay para hindi ako magsumbong sa embassy.


Sister, hirap na hirap na ako. Ayaw naman akong paniwalaan ng tita ko na siyang nagpasok sa akin dito. Ano ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Lorna ng Hong Kong


Sa iyo, Lorna,


Sadyang mahirap ang kalagayan mo dahil ayaw maniwala ng tita mo sa iyong mga sumbong tungkol sa employer mo. Ang sabi mo ay hawak pa ang passport mo at palagi ring nakabantay para hindi ka makatawag sa embassy. Sa palagay ko, ang marapat mong gawin ay muling kausapin nang mabuti ang tita mo na siyang nagpasok sa iyo r’yan. Sabihin na nating makulit ka pero ‘yun ang dapat mangyari, ang kulitin mo siya.


Sa palagay ko naman ay inaalam na niya sa kasalukuyan kung ano ba talaga ang tunay mong kalagayan d’yan. Hingin mo rin ang awa at tulong ng Diyos Ama sa langit.


Magdasal ka nang taimtim na tulungan ka sa sitwasyon mo ngayon. Pagsubok lamang ‘yan na sa sandaling malagpasan mo, naghihintay sa iyo ang mga pagpapala at biyaya.


Lakasan mo pa ang loob mo, hindi kailanman pinababayaan ng Diyos ang sinumang nananalig sa kanya at nananampalataya nang walang alinlangan. Makikita mo, paggising mo isang umaga, magugulat ka na ang lahat ay maayos na. Ganyan ang hiwaga ng buhay. Dasal ang susi para hindi dumanas ng mga kapighatian sa buhay. Umaasa ako na sa lalong madaling panahon ay malulutas na ang problema mo. Diyos ang kikilos para sa iyo. Magtiwala at manalig ka sa Kanya nang buong katapatan.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page