Pramis na kasal ng live-in partner na nambabae, ‘di matutupad
- BULGAR
- Mar 28, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 28, 2022

KATANUNGAN
May malaki akong problema ngayon dahil nahuli kong may ibang babae ang kinakasama ko. Hindi naman ako makapagreklamo dahil hindi pa kami kasal. Ano ang dapat kong gawin, makipaghiwalay na ako sa kanya o magtiis na lang ako sa ganitong buhay? Sabi niya kasi, mas mahal niya ako kaysa sa babae niya at kapag nakaipon kami ay pakakasalan niya na raw ako.
Iniisip ko na baka ginu-good time lang ako ng lalaking ito dahil tatlong taon na kaming magkasama, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ginagawa ang ipinangako niyang kasal. Kung makikipaghiwalay ako sa kanya, may iba pa bang lalaking magkakagusto at papatol sa akin kahit may nakaraan ako?
Gayundin, baka ang lalaking ito na ang nakatakda kong makasama habambuhay. Ano ang nakikita n’yo sa aking mga palad?
KASAGUTAN
Sa totoo lang, ayos lang na nambabae ang ka-live-in mo dahil may malaki ka nang rason upang makipaghiwalay sa kanya dahil sabi mo nga, tatlong taon na kayong nagsasama pero hanggang ngayon ay hindi ka pa rin niya pinapakasalan. Ibig sabihin, tama ang iyong hinala, posibleng ginu-good time ka lang niya.
Dalawang lalaki ang darating sa buhay mo. Ito ang nais sabihin ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, subalit pansining magulo o pangit ang pagkakaguhit ng una (arrow a.). Maaaring ito ang larawan ng kasalukuyan mong live-in partner, kaya kung siya ang unang nakarelasyon mo na meaningful at long-term, puwede ka nang makipaghiwalay sa kanya. Dahil tulad ng naipaliwanag na, may darating pa namang ikalawa na mas maganda, makapal at mahaba, na siya nang panghabambuhay mong makakasama sa pagbuo ng tunay at lehitimong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Nagtataka rin ako sa live-in na set up, kung paano nakakatagal ang babae na parang palagi niyang inaalala na dumating ang punto na makakita ng ibang babae ang kanyang kinakasama at hindi siya ang pakakasalan. Sabagay, hindi natin maku-kuwestiyon ang pasya o desisyon ng bawat isa kung bakit nila ginagawa o patuloy na ginugusto ang ganu’ng set up ng isang relasyon.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maricar, tulad ng naipaliwanag na, pagkakataon mo nang makipaghiwalay sa iyong ka-live in, lalo’t inaamin niya namang may iba pa siyang babae bukod sa iyo. Pagkatapos ng unang pakikipagrelasyon, antabayanan mo naman ang pagdating ng ikalawang lalaki sa iyong buhay, na nakatakdang mangyari sa last quarter ng taong ito, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Leo, na siyang pangmatagalan mo nang makakasama sa pagbuo ng mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments