ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | August 12, 2023
Kung ikaw ay bagong kasal, ikaw at ang iyong asawa ay magiging isa na lang ang aspeto sa buhay, kabilang dito ang inyong finances. Ibig sabihin, maghahati na kayong dalawa sa inyong suweldo, gastusin, ari-arian at pananagutan.
Magandang ideya rin na pag-usapan n’yo ang inyong plano pagdating sa financial bilang mag-asawa. Mas mainam kasi na pag-usapan ang mga bagay-bagay lalo na sa usaping pera dahil isa ito sa pinagmumulan ng hindi pagkakasundo.
Bagama’t ang household finances ay hindi romantic na usapin, isa pa rin ito sa dapat na talakayin, upang mai-plano ng mahusay kung paano mababayaran ang bills hanggang sa pagma-manage ng inyong ipon, malaking tulong din ito para sa inyong future plans.
Narito ang 5 practical money tips na maaari n’yong isaalang-alang.
1. MAS MAIGING BUMILI NG SECONDHAND ITEMS. Kapag lumipat na kayo ng bahay, totoong nakakaakit bumili ng mga brand new na gamit upang welcome rin sa inyong bagong buhay bilang mag-asawa. Gayunman, ang pagbili ng mga bagong appliances upang mag-match sa inyong bagong tahanan ay maaaring maging magastos. Unless, kung kayong dalawa ay may budget sa pagbili ng mga brand new, puwede n’yo ring i-consider ang pagkuha ng mga secondhand items. Makakatulong ito upang makatipid at mapanatili pa ring maganda ang inyong tahanan.
Bukod pa rito, ang pagbili ng secondhand ay isang mahusay na paraan upang maka-discover ng mga de-kalidad na item sa mas mababang presyo. Maaari ka ring makakita ng second hand na sofa o dining set na nasa good condition pa rin.
2. GUMAWA NG JOINT ACCOUNT. Ang pagkakaroon ng joint account lalo na sa mga gastusin sa bahay ay makakatulong upang mamonitor ang lumalabas at pumapasok sa inyong pera. Maaari n’yo rin itong gamitin bilang central fund upang bayaran ang inyong common household expenses tulad ng pagkain, renta, utility bills, atbp. Ang pag-share ng joint account ay magbibigay-daan sa inyong dalawa na maaccess ang pera sakalaing magkaroon ng emergency.
3. PAG-USAPAN KUNG SINO ANG MAGBABAYAD. Kung mayroon kayong two-income household, siguraduhing tukuyin ang inyong monthly contributions para sa bahay.
Maaari n’yo ring pag-usapan kung magkano ang ibibigay mo sa inyong joint account kada buwan, gayundin kung magkano ang inyong gagastusin, iipunin, o i-invest. May ilang mag-asawa na naka-assign kung sino ang magma-manage ng pang-araw-araw na gastusin. Ang isa ay maaaring naka-assign sa pagkain, utilities, at transportation, habang ang isa ay maaaring naka-task sa pagbibigay ng kontribusyon pagdating sa household insurance, retirement funds at investment.
4. GUMAWA NG EMERGENCY FUND. It’s never too early para mag-set up ng emergency fund, siguradong hindi mo pagsisisihan na gawin ito. Ang emergency fund ay isang reserbang pera na iyong itinabi sakaling may hindi inaasahang pangyayari, tulad ng health emergency, home repair emergency, o matanggal sa trabaho.
Kapag kinokonsidera kung magkano ang iyong monthly budget na ilalaan sa iyong emergency fund, maaari mong sundin ang tipikal na rekomendasyon, magtabi ng hindi bababa sa 6 months na living expenses. Para nagawa mo ito, kakailanganin mong magtabi ng 10% ng iyong gross income kada buwan, at kailangan mong patuloy na mag-ipon hanggang makuha mo ang halagang kailangan mo, o mas higit pa.
Kung gusto mong tiyaking regular kang naglalagay ng pera sa iyong emergency fund, maaari kang mag-set up ng isang automatic transfer sa iyong bangko o makipagpalitan sa iyong asawa na maglagay ng pera sa account kada buwan. Kung nais mong magsimulang gumawa ng emergency fund, maaari mo itong dahan-dahaning palaguin sa paglipas ng panahon, na magbibigay sa iyo ng peace of mind sakaling maka-encounter ka ng hindi inaasahang problema.
5. I-UPDATE ANG ACCOUNTS. Maraming newlyweds ang lumipat ng bagong tahanan matapos ikasal. Kung mayroon ka ring ganitong arrangement, tiyaking i-notify ang iyong banks, credit card, companies, insurance companies, at investment companies na mayroon kang account na babaguhin ang iyong address o contact information.
Kailangan mo ring ipaalam sa mga intitusyong tungkol sa iyong pagpapalit ng marital status dahil ang union ay magkakaroon ng kaugnayan sa iyong legal entitlements sa mga financial assets at estates ng isa’t isa.
Pagdating sa pag-manage ng pera, nasa inyo bilang mag-asawa kung ano ang pinakamahusay na paraan ang sa tingin n’yong mas okey. Gayunman, kung naghahanap ka ng mga time-tested advice, tiyaking i-consider ang mga nabanggit na tips.
Makakatulong ito para sa inyong bagong buhay bilang mag-asawa, at makakatulong din ito para sa inyong future. Gets??
Comments