top of page

Positibo at negatibong katangian ng mga isinilang sa Year of the Rabbit

  • BULGAR
  • Jan 7, 2023
  • 5 min read

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 7, 2023



Dahil ang taong 2023 ay Taon ng Rabbit o Kuneho, ayon sa Chinese Astrology, ipapaliwanag natin ang magiging kapalaran at pangunahing katangian ng animal sign na Rabbit o Kuneho.

Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang sa mga taong 1915, 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011, at 2023. Sila rin ay nagtataglay ng fixed o likas na elementong negative wood. Gayunman, ang Kuneho o Rabbit ay Pisces sa Western Astrology.


Sinasabing sa 12 animal signs, katangi-tangi ang Kuneho na mapagmahal sa payapa at tahimik na buhay. Ayon sa aklat na Chinese Elemental Astrology ni Kennedy at Crawford, “Rabbits love peace more than anything else in the world.”


Kaya pala ‘yung pamangkin kong si Frances Joy ay sobrang tahimik at bihirang magsalita, ngayon ko lang natuklasan na ‘yun pala ang pangunahing katangian ng isang Rabbit — ayaw nila ng magulo at minsan ay ayaw din nila ng kausap. Sabi nga ng mga pinsan niya, “Ang taray!”


Dagdag pa rito, bukod sa pagiging tahimik at walang kibo, sinasabi ring, “Rabbits can appear to be slow or inordinately timid at times, but should they have to fight, they do so with courage and determination.” Ibig sabihin, bagama’t tahimik at walang kibo, sa sandaling sila ay nakikipaglaban at nakikihamok, ibinubuhos ng Rabbit ang lahat ng kanilang tapang at kakayahan hanggang sa makamit nila ang tagumpay.


Sa madaling salita, parang Kung Fu Master o ‘yung napapanood n’yong movie na Zen Buddhism Master, tahimik lang silang naka-lotus seat na nagme-meditate sa isang sulok, pero kapag ginambala mo ang kanilang pananahimik, du’n mo matutuklasan na may kakaiba silang lakas, galing at kapangyarihan.

Ganu’n ang mga Rabbit. Sa katahimikan ng kanilang puso at kaluluwa sila humuhugot ng lakas at kapangyarihan upang umunlad, magtagumpay at lumigaya sa masukal na pakikibaka at pakikihamok nating ito sa buhay.


Ang nakakatuwa sa isang Rabbit, bukod sa palaging nananahimik na akala mo’y may iniisip, pero wala naman, para talagang guro o Zen Master na may kapangyarihan na sinasabing, “In Chinese mythology, the Rabbit is a symbol for longevity. Rabbit frequently live long and very comfortable lives because of their innate dislike of placing themselves in dangerous circumstances and an almost magical sense of self-preservation.”


Ibig sabihin, hindi lang mahaba ang buhay ng Rabbit, sa halip, may kakaiba silang magic na wala sa ibang animal signs upang maiwasan ang anumang panganib na dumarating sa kanilang buhay. Kumbaga, may pambihira silang kapangyarihan na hindi rin nila alam, basta nararamdaman at nararanasan na lang nila na palagi silang inililigtas ng langit sa anumang uri ng kapahamakan.


Dagdag pa rito, sinasabi ring, “As the most fortunate of all signs in the Chinese cycle, the Rabbit is more likely to achieve happiness and contentment than other animal signs.” Ibig sabihin, hindi lang sila tahimik at mahaba ang kanilang buhay, bagkus, pinaniniwalaan din na sa pangkalahatan, habang sila ay nabubuhay sa mundo, palagi silang pinagpapala ng langit na makamit ang kuntento at maligayang pamumuhay.


Kaya sa taong ito ng 2023, asahan nang sa pag-ibig at materyal na bagay, may dumating mang mga pagsubok sa Rabbit, balewala sa kanya ‘yun, sapagkat ang suwerte at magandang kapalaran ay sadyang inilaan sa kanila ng tadhana, ay siguradong matatamasa nila nang napakasarap at bonggang-bongga sa 2023.


Gayundin, tugma sa isang Rabbit ang kasabihang, “Noblesse oblige” – ito rin ay ang eksaktong deskripsyon ng pangunahing katangian ng isang Kuneho. Ang “Noblesse oblige” ay salitang Latin na nangangahulugang, “Ikaw ay isinilang sa isang maalwan, nakaririwasa at marangal na angkan, obligasyon mong tumulong sa mga nangangailangan.”

Ganu’n ang kadalasang nangyayari sa kapalaran ng isang Kuneho, kung saan habang siya ay tumutulong sa kapwa, lalo siyang pinagpapala at hinahandugan ng kapalaran ng masaganang grasya.


Kaya sa taong ito, kung ikaw ay isang Rabbit na pinagkalooban ng maalwang pamumuhay, simple lang ang pormula upang lalo kang lumigaya at magtagumpay sa buhay. Ano ‘yun? Eh ‘di, tumulong ka sa mga kapus-palad at kusa kang pagpapalain ng langit.


Sa career at pangangalakal, sinasabing, “The Rabbit has unerring eye for quality and for this reason they make good art collectors and dealer. In addition to that, they can also make great painters or musicians due to their sense of beauty and their love of creativity.” Ibig sabihin, lahat ng malikhaing bagay na tumagos sa isip, kaluluwa at puso ng bawat indibidwal, angkop ang mga gawaing ito para sa mga Rabbit.


Dagdag pa rito, puwede ring propesyon ng Rabbit ang priest o pari, therapist, psychiatrists, doctor, writer, actor at fashion designer. Sa nasabing mga career sila magtatagumpay, yayaman at magiging maligaya.


Sa pag-ibig, bagama’t likas na mapagmahal, hindi agad naaakit ang Rabbit sa isang relasyon, maliban na lamang kung ang relasyon na kanyang papasukan ay nakakadagdag sa kanya ng rekognisyong panlipunan, personal comfort at at seguridad.


Ayon sa sinisipi nating aklat na Chinese Elemental Astrology ni Kennedy at Crawford, “Sensual and fond of physical pleasure, the Rabbit nevertheless rarely enters in relationship with someone incapable of contributing to his comfort, ease or status in the world.” Ibig sabihin, may kayabangan ang Rabbit pagdating sa relasyon, kung saan bukod sa mayabang, palagi niyang iniisip kung ano ang kanyang mapapala sa papasukan niyang commitment.


Dahil naghahanap ng mapapala sa relasyon na kanyang pinasok, madalas na nalulungkot at nabo-bored ang Rabbit sa pag-ibig sa sandaling natuklasan niya na sa pakikipagrelasyon na kanyang napasukan ay hindi naman ‘yun ang kanyang inaasahan.


Dagdag pa rito, bilang mangingibig, ayaw ng Rabbit na dinodominahan at hinahanapan siya dahil para sa kanya, ang pag-ibig ay kusang ibinibigay at hindi hinihingi.


Sabi nga, “The are marvelous friends and wonderful lovers as long as you don’t expect too much from them”. Ibig sabihin, kapag inibig ka ng isang Rabbit, makuntento ka na sa pag-ibig na ‘yun dahil kapag patuloy ka pang may hinahanap habang nakikipagrelasyon sa kanya, malamang na magkakagalit lang kayo at sa huli, hindi na magiging masaya ang inyong relasyon dahil nahanapan ka na niya ng butas.


Dahil sa kaartehang ito sa pag-ibig, bihira sa mga Rabbit ang tunay na nagiging maligaya dahil masyado siyang romantic at sensual, pero masyado rin siyang demanding at mapaghanap.


Ang nakakainis pa sa isang Rabbit, ayaw niyang siya ay hinahanapan ng kalinga at pagmamahal dahil ibinibigay niya ito nang walang kondisyon, pero siya naman ay pamosong madalas maghanap ng kalinga at pagmamahal sa kanyang kasuyo.


Bagama’t maarte sa pag-ibig at buhay, sobrang bait at galante naman niya sa kanyang pinanggalingan na pamilya, ibig sabihin, responsable siyang anak kahit minsan ay iresponsable siyang asawa.


Samantala, sinasabing ang Sheep, Tupa o Kambing ang pinakatugmang makasama ng isang Rabbit sa panahong siya ay mag-aasawa na. Sapagkat ang Sheep at Rabbit ay parehong maarte at maselan sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, kaya swak ang ugali nila sa isa't isa.


Bukod sa Sheep, magiging okey din ang pakikipagrelasyon ng Rabbit sa tapat na Dog at mahilig sa sarap na Boar o Baboy. Dagdag pa rito, sa taong ito ng 2023, hindi maiiwasan ng Rabbit na mabihag sa kagandahan ng Snake, habang ang Ahas namang ito ay maaaring hindi rin makaiwas na linggisin ang kakalat-kalat na na Rabbit.


Mapalad naman ang Rabbit mula sa alas-5:00 ng madaling-araw hanggang sa alas-7:00 ng umaga, higit lalo sa direksyong east o silangan. Magsisilbing talisman naman ng mga Rabbit ngayong 2023 ang batong emerald, pearl, amethyst at lahat ng uri ng crystal, gayundin ang lahat ng bagay na galing sa tubig, may tubig at lahat ng bagay na yari sa kahoy.


Suwerte naman sila sa kulay na green, aquamarine, lilac, lavender, red, purple at blue, higit lalo sa mga numerong 3, 4, at 9, gayundin sa lahat ng numerong may sumatotal na 2 at 7.


Suwerteng pandispley naman bilang ornamental plant sa bakuran ng bahay ng Rabbit ang halamang cyclamen, fittonia, at lahat ng uri ng lilies at orchids, gayundin ang lahat ng halamang may maliit, pino at maninipis na dahon tulad ng kawayan at lahat ng halamang mint.


Sa pag-ibig at aspetong pampinansyal, kusa namang lalago at magiging maligaya ang kapalaran ng mga Rabbit mula sa ika-18 ng Pebrero hanggang sa ika-28 ng Marso, mula sa ika-18 ng Hunyo hanggang sa ika-28 ng Hulyo at mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang sa ika-28 ng Nobyembre.

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page