Pork barrel ng mga Sen. at Cong., gamiting pambili ng mga armas ng AFP at PNP
Updated: Jun 24, 2024
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 23, 2024

ISAKRIPISYO LANG NG MGA SEN. AT CONG. ANG KANILANG PORK BARREL AT IBIGAY SA DND, SIGURADONG LALAKAS PUWERSANG MILITAR NG ‘PINAS -- Palala nang palala ang pangha-harass ng China Coast Guard (CCG) sa mga Pinoy sa West Philippine Sea (WPS), at ang huling insidente ay humantong na sa pananakit ng mga CCG sa walong sundalo ng Philippine Navy (PN), na ang isa sa kanila ay naputulan pa ng daliri.
Mga sundalong Pinoy lang ang ginagawan ng ganyang harassment ng CCG, pero ang mga kawal ng ibang bansa na may teritoryo rin sa Spratly Islands ay hindi magawang i-bully ng China dahil alam nilang malakas din ang military forces ng Taiwan, Vietnam at Malaysia. Mahina ang puwersang militar ng bansa kaya nagagawa ng CCG na i-harass ang mga sundalong Pinoy sa dagat ng Pilipinas.
Isakripisyo lang ng mga senador at kongresista ang kanilang pork barrel, at ang pondong ito ay ibigay sa Dept. of National Defense (DND), tiyak lalakas ang puwersang militar ng ‘Pinas at kapag nangyari iyan, baka sakali, tigilan na ng China ang pambu-bully sa mga sundalong Pinoy sa WPS, period!
XXX
MALUNGKOT NA NANGYAYARI SA ‘PINAS, MAHINA ANG PUWERSANG MILITAR, PERO MGA HIGH RANKING POLITICIAN, RICH -- Sa mga bansa sa mundo, isa ang ‘Pinas sa may mahinang puwersang militar, at sa mga bansa rin sa mundo, isa ang bansa sa may maraming rich na high ranking politicians.
Iyan ang malungkot na katotohanang nangyayari sa ‘Pinas, tsk!
XXX
MALULUNGKOT TALAGA SI SEN. TOLENTINO SA PAGKABASAG NG UNITEAM KASI KAPAG ‘DI SIYA IBINOTO NG MGA MARCOS LOYALIST, BAKA MATALO SIYA SA 2025 ELECTIONS -- Ikinalungkot ni Sen. Francis Tolentino ang pagkabasag ng UniTeam ng Marcos at Duterte.
Malulungkot talaga siya kasi kapartido niya si ex-P-Duterte sa PDP, at kapag hindi siya ibinoto ng mga Marcos loyalist, baka talo ang abutin niya sa pagtakbo niya uling senador sa 2025 election, boom!
XXX
HIRIT NI SEN. PADILLA NA IMBESTIGAHAN ANG RAID SA SIMBAHAN NI QUIBOLOY, DINEDMA NI SEN. DELA ROSA -- Dedma lang si Sen. Ronald dela Rosa, chairman ng Senate Public Order sa hirit sa kanya ng kapartido niyang si Sen. Robin Padilla na imbestigahan ng komite niya ang human rights violation daw na ginawa ng mga pulis sa pagsisilbi ng warrant of arrest kay Pastor Apollo Quiboloy sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church sa Davao City.
Sa totoo lang, dededmahin talaga ni Sen. Dela Rosa ‘yan kasi kung kikilingan niya si Quiboloy, eh baka hindi siya iboto ng napakaraming Pinoy na may galit sa pastor na may mga kasong child sexual abuse at child sex trafficking, at ikatalo niya ito sa 2025 senatorial election, period!




Comments