top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pondo para sa edukasyon, ano'ng nangyari?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 10, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | August 10, 2024


Editorial

Sa briefing ng Commission on Higher Education (CHED) sa House Committee on Appropriations para sa panukalang P31.6 bilyong budget sa 2025, kinuwestyon ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza, ang P8 bilyong pondo para sa taong 2019 hanggang 2022 na umano’y nasayang lang at ibinalik sa Treasury.


Kung naging mahusay umano ang paggasta sa pondo, maraming natulungan na mga institusyon at mga mag-aaral na napa-graduate, nakapaglaan para sa tertiary education subsidy at living allowance.


Dumepensa naman ang CHED sa sinasabing napakalaking budget na hindi nagastos. Ayon kay Chairman Prospero De Vera, ang pondo noong 2019 ay ginamit para sa long-term project na Philippine-California Advanced Research Institutes (PCARI) at nagkataong patapos na kaya hindi maaaring gastusin sa ibang layunin.


Iginiit din na hindi na nila itinuloy ang PCARI project dahil mahirap ipatupad ang high-level research at hindi mailalabas ang panibagong tranche ng grant sa mga unibersidad kapag walang full liquidation.


Bagay na ayon naman sa mambabatas ay hindi maaaring gawing palusot dahil puwede umano silang humingi ng pahintulot sa Department of Budget and Management (DBM) upang ilaan ang pera sa ibang programa.


Gayunman, ipinunto ng CHED na ilang beses na nilang sinubukan na humingi ng permiso sa DBM ngunit ibinabasura lang daw.


Dagdag pa, bumuti naman umano ang utilization rate ng ahensya pagkalipas ng taong 2022 at kahit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay maayos na nagamit ang pondo nito.


Ito ang madalas nating sinasabi, kung may pondo para sa mga proyekto at programa na kapaki-pakinabang sa publiko, gamitin. Gastusin nang maayos at ilayo sa anumang banta ng korupsiyon.


Maraming eskwelahan ang kulang sa pasilidad, kapos sa mga kagamitan at may problema sa pangangailangan ng mga estudyante at guro, bakit hindi rito ilaan ang pondo?



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page