PNP ipaiiral ang batas, dadakpin si Pastor Quiboloy kahit pakilala nitong ‘appointed son of God’
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 8, 2024
KAPAG SI GEN. NARTATEZ ANG NAGING PNP CHIEF, STOP NA ANG ILLEGAL GAMBLING KASI MAY ‘BALLS’ ITO NA BANGGAIN ANG GAMBLING LORDS -- Last week ay mainit na pinag-usapan sa Kongreso ang patuloy na pamamayagpag ng iba’t ibang uri ng ilegal sa bansa, na ayon kina Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, chairman ng Committee on Public Order and Safety at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ay hindi mapatigil ng mga awtoridad.
Sa totoo lang, kapag si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang itinalaga ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) bilang next PNP chief kapalit ng magreretirong si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. ay siguradong matitigil na ang problema ng bayan sa illegal gambling dahil si Gen. Nartatez ay kilalang may “balls” sa pagbangga sa mga maiimpluwensyang gambling lords at napatunayan na niya ‘yan nang magdeklara siya ng “no take policy” at maglunsad ng “war on illegal gambling” nang maitalaga siya noon bilang director ng PNP-Region 4-A na may sakop sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), at nang maitalaga siya sa NCRPO ay muli niyang binangga ang mga gambling lords sa kanyang illegal gambling war sa Metro Manila, period!
◘◘◘
BATAS LABAN SA ‘APPOINTED SON OF GOD’ -- Tiniyak ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na kapag naglabas ng warrant of arrest ang Senado laban kay Pastor Apollo Quiboloy at hiningi ang assistance ng PNP ay agad na tutugon ang kapulisan para ipatupad ang batas at dakpin ang pastor.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Col. Fajardo na kapag batas ang pinag-usapan, kahit sino ay kanilang tutugisin at dadakpin, kahit pa si Pastor Quiboloy na ang pakilala ay “appointed son of God” daw siya, boom!
◘◘◘
KAPAG ANG MGA SANGKOT SA NFA ANOMALY NAABSUWELTO, MALAMANG SABIHIN NI SEN. IMEE, NAGKAHOKUS-POKUS SA PAG-ABSUWELTO SA MGA ‘CORRUPT’ SA NFA -- Malaki ang paniwala ni presidential sister Sen. Imee Marcos na may “hokus-pokus” o anomalyang naganap sa pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng murang presyo ng bigas sa halagang P25 per kilo sa mga kapitalistang rice traders.
Nagsalita na nang ganyan si Sen. Imee kaya dapat tuluyan ng Dept. of Agriculture (DA) na sampahan ng kaso ang mga tiwali sa NFA, kasi kapag inabsuwelto ng DA ang mga ‘kurakot’ sa NFA ay asahang nang sasabihin din ng senadora na may naganap na “hokus-pokus” sa pag-absuwelto sa mga corrupt umano sa NFA, period!
◘◘◘
‘KIMBERLY GANG’ SA CUSTOMS ‘UNTOUCHABLE’ -- Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang smuggling operations ng “Kimberly Gang” sa Customs.
Napaka-untouchable talaga ng “Kimberly Gang” kasi ang tagal na nitong nag-o-operate sa Customs, nagpalit-palit na ang mga Customs commissioner pero tuloy pa rin ang kanyang raket sa Adwana at walang nangangahas na kasuhan, dakpin at ikulong ang mga nasa likod ng gang na ito, tsk!





Comments