Planong pag-a-abroad, dapat ituloy dahil magtatagumpay
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 29, 2022
Dear Maestro,
Gusto kong mag-abroad ‘pag nanganak ako sa January o February. Matagal ko nang plano na mag-abroad, pero nagkakaedad na ako, kaya gusto kong magkaanak ng isa pa.
Sa palagay n’yo, magtatagumpay ba ako sa Israel bilang caregiver? Nasa Israel ngayon ang kapatid ko at siya ang tutulong sa akin para makapag-abroad. October 20, 1991 ang birthday ko.
Umaasa,
Nicole ng San Matias, Lubao, Pampanga
Dear Nicole,
Kung pinapayagan ka naman ng mister mo na mag-abroad, tumuloy ka at tuparin mo ang iyong mga pangarap hangga’t malakas at masigla ka pa. ‘Ika nga, hangga’t kaya mo pang maghanapbuhay, gawin mo nang gawin ang gusto mo. ‘Yan ay dahil siguradong darating ang panahon na kahit gustuhin mo ay hindi na puwedeng ipatupad ang iyong mga plano at pangarap, lalo na kapag nagkaedad ka na.
Isipin mong mabuti, bakit ba nabubuhay ang tao, hindi ba’t para gawin ang lahat ng gusto niyang gawin sa buhay? Kaya habang may biyaya pa ng kalakasan at pagiging bata, masigla ang katawan at kaya pang magtrabaho at kumilos, gawin mo ang lahat ng gusto mo. Sapagkat ‘yun ang asignatura ng tao sa mundo ito — ang magtrabaho, paunlarin ang sarili at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya. Kailan mo pa gagawin ang mga ‘yan, kapag mahina ka na? Kaya ngayon mo na gawin ‘yan habang bata at malakas ka pa.
Sa totoo lang, ako ay asar na asar sa mga tamad at walang pangarap sa buhay. Hindi nila naiisip ang mga tanong na, “Ano ang value ng buhay kung wala ka namang ginagawa?” at “Bakit ka ipinanganak kung hindi ka naman mangangarap at magkakaroon ng ambisyon sa buhay?”
Hindi mo ba naiisip na sayang ang buhay na ipinagkaloob ng Dakilang Lumikha kung inuukol mo lang sa katamaran at pag-aaksaya? Kumbaga, inuubos mo lang sa kain, tulog, bisyo at gala ang mahahalagang oras na libre namang ipinagkaloob sa iyo ng tadhana.
Bukod sa magtrabaho, mangarap at tuparin ang mga ito upang maipakita mo sa mundo ang iyong kahalagahan bilang tao, ang isa pang magagawa ng indibidwal sa mundong ito habang may lakas at kasiglahan pa siya ay ang umibig at magmahal.
Samantala, nalulungkot naman ako para sa mga lalaki at babae na tumatandang binata at dalaga. Hindi ko lang sila matanong ng, “Bakit ayaw n’yong umibig, may nagbabawal ba sa inyo?” Buti kung pinili n’yong maging virgin dahil nais n’yong magpari o magmadre o isabuhay ng banal ang paglilingkod sa Diyos, pero kung hindi naman ganu’n, mas maganda kung iibig din kayo upang magkaroon ng asawa at masayang pamilya.
Gayunman, kung walang nagbabawal sa inyo na magmahal, ‘wag n’yong sayangin ang inyong puso sa hinanakit, pag-iisa, pagluha at kalungkutan. Ginawa ang puso upang tumibok at magmahal. Gayundin, ginawa ang damdamin at emosyon upang bumuo ng masaya at maligayang pamilya.
Bagkus, inaanyayahan tayo ng Dakilang Lumikha na paramihin ang pag-ibig na nasa ating puso. Paramihin ang bawat nahahawakan. Magtanim ng puno, mag-alaga ng mga hayop, linisin ang ilog at dagat, muling pagandahin ang himpapawid at simoy ng hangin. At habang pinagpapala mo ang bawat may buhay at nilikha, dahil nagtatrabaho at nagmamahal ka, siguradong sa bandang huli, susuwertehin at pagpapalain ka ng Diyos.
Ganu’n ‘yun! Kaya habang may lakas ka pa, Nicole, at dahil pinapayagan ka naman ng iyong mister na mag-abroad, gawin mo nang gawin ang lahat ng bagay na ikasasaya ng iyong puso, gayundin ang ikauunlad ng iyong buhay at pamilya, tuparin mo ang atas ng Maykapal sa bawat nilikha — ang maging produktibo at magparami.
Sa ganyang paraan, ayon sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap sa last quarter ng taong 2023 at sa edad mong 32 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.




Comments