Planong kasal, matutuloy; mahinang negosyo, lalago
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 26, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Robin ng Mindoro.
Dear Maestra,
Isa ako sa inyong masugid na tagasubaybay. Negosyante ako at medyo mahina ang kita ko ngayon dahil sa pandemya. Balak ko nang magpakasal, pero kulang pa ang aking budget.
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na andami kong hawak na susi, tapos ibinigay ko ‘yung isa sa dyowa ko. Tinanggap naman niya ito at binigyan niya rin ako ng isa pang susi. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Robin
Sa iyo, Robin,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na marami kang hawak na susi ay tagumpay sa negosyo kung saan lalago ang negosyo mo at yayaman ka na.
‘Yun namang binigyan mo ng susi ang dyowa mo, ito ay nagpapahiwatig na magpapakasal na kayo ng dyowa mo. Matutuloy ang plano mong magpakasal.
Samantala, sabi mo ay binigyan ka rin ng dyowa mo ng susi, ito naman ay nagpapahiwatig na magkakaanak na kayo ng dyowa mo. Sa isang banda, mabuti naman at hindi mo nawala ang naturang mga susi dahil kung nangyari ito, pagkabigo sa lahat ng plano mo ang ipinahihiwatig nito.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments