Planong dagdag-pasahero sa bus, dapat sabayan ng mas mahigpit na protocol
- BULGAR
- Jun 20, 2021
- 1 min read
@Editorial | June 20, 2021
Plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na taasan ang bilang ng mga pasahero sa mga EDSA carousel buses.
Ito ay para mabawasan umano ang paghaba ng pila sa mga busway.
Nakipag-ugnayan na rin ang LTFRB sa pandemic task force para sa nasabing pagdagdag ng mga pasahero sa nasabing libreng sakay.
Sa ngayon, nasa 400 buses ang nag-o-operate sa EDSA busway pero hindi nito makayanan ang 182,000 pasahero.
Matatandaang tumaas ang bilang ng mga pasahero mula nang luwagan ng gobyerno ang community quarantine sa National Capital Region, kung saan maraming negosyo na ang nagbukas kaya balik-trabaho na rin ang mga manggagawa.
Kung daragdagan ang seating capacity sa mga bus, dapat doblehin o triplehin ang gagawing pag-iingat laban pa rin sa kumakalat na nakamamatay na sakit.
Kung sa pila pa lang ay hindi na maiwasan ang magdikit-dikit, habang ang iba ay hindi tama ang pagkakasuot ng face mask o walang face shield, posibleng tumaas din ang pagkakataon ng hawaan. At kung halos ganito rin ang maging sitwasyon sa mismong loob ng sasakyan, mas delikado.
Gayunman, umaasa tayong itong dagdag-pasahero ay makatutulong para sa mas mabilis na biyahe at makakabawas o makakaiwas-pila.
Pakiusap sa mga pasahero, palagi pa ring sumunod sa mga panuntunan. Kapansin-pansing may iba na tila nagiging kampante, mali na ‘yan. Hangga’t may banta ng virus, laging mag-ingat at disiplinado.



Comments