Pinoy na inaresto matapos nang-abandona ng 2 bangkay sa Japan, 'di na makausap
- BULGAR
- Jan 27, 2024
- 1 min read
ni Angela Fernando - Trainee @News | January 27, 2024

Isa sa dalawang Pinoy na inaresto sa Japan matapos abandonahin ang bangkay ng mag-asawang Hapon ang balisa at hindi na makausap, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Binisita na ng Consul General ang inarestong si Bryan Dela Cruz sa kanyang detention cell.
Ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega, emosyonal si Dela Cruz at ang nasabi lang nito ay nakakaramdam siya ng sugat na hindi naman nilinaw kung pisikal.
Kaugnay sa pag-abandona sa duguang bangkay ng mag-asawang Hapon ang naging pag-aresto kina Dela Cruz at Hazel Ann Baguisa Morales.
Nakita ang 2 Pilipino sa isang CCTV footage na palabas ng bahay ng mag-asawa na kinilalang sina Norihiro at Kimi Takahashi nu'ng Enero 16.
Patuloy naman sa imbestigasyon ang mga awtoridad ng Japan.
Kasalukuyang hindi pa itinuturing na suspek sa nangyaring krimen ang 2 Pinoy.
Ani De Vega, titingnan pa kung sasampahan ang 2 ng kaso sa piskalya ng Hapon at ang posibleng charge na kakaharapin.
Wala naman daw binigay na kahit anong indikasyon si Dela Cruz nang makausap ito.
Naniniwala naman ang ina ni Dela Cruz na hindi magagawa ng kanyang anak ang nasabing krimen.
תגובות