top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pinoy Kai Sotto, abangan sa NBA G-League sa World Disney

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 31, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 31, 2020





Bubuksan ang 2020-2021 NBA G-League sa Pebrero 8 sa isang bubble sa loob ng Walt Disney World sa Orlando, Florida. Ito na ang pagkakataon para mapanood ang bagong tatag na koponang G-League Ignite na kinabibilangan ng batang higante na Kai Sotto at Fil-Am Jalen Green sa una nilang hakbang patungo sa pagiging ganap na manlalarong propesyonal.


Hindi lahat ng koponan ang nagpahiwatig na lalahok at 18 lang ang lilipad patungong Florida kasama ang Ignite. Tinatayang maglalaro ang bawat koponan ng 12 hanggang 15 beses at magsisimula agad ang playoffs sa Marso 5 hanggang 9.


Makakaharap ng Ignite ang mga beteranong koponan ng Agua Caliente Clippers, Austin Spurs, Canton Charge, Delaware Blue Coats, Erie BayHawks, Fort Wayne Mad Ants, Greensboro Swarm, Iowa Wolves, Lakeland Magic, Long Island Nets, Memphis Hustle, Oklahoma City Blue, Raptors 905, Rio Grande Valley Vipers, Salt Lake City Stars, Santa Cruz Warriors at Westchester Knicks. Lahat ng mga nabanggit na koponan ay konektado sa isang koponan sa NBA.


Malaki ang nakataya sa tagumpay ng G-League bubble, lalo na para sa kay Sotto, Green at Ignite na hahawakan ni Coach Brian Shaw. Kailangang mapatunayan na tama ang kanilang eksperimento na alukin ng malaking sahod ang mga kabataan at huwag na tumuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.


Inaasahan na magiging mas madaling pamahalaan ang G-League bubble dahil mas maikli ito kung ihahambing sa matagumpay na apat na buwang NBA bubble na natapos noong Oktubre. Gagastos ng aabot sa $500,000 (P24.018 milyon) ang bawat isang koponan para sa kanilang sariling health at safety protocol.


Bunga ng mahigpit na health at safety protocol, malabo na maglabas-pasok ang mga manlalaro kung sakaling tatawagan sila para umakyat sa kanilang kaakibat na koponan sa NBA. Isang hamon din ang panatilihin ang kalusugan at iwasang mapilay dahil mas kaunti ang mga manlalaro sa mga koponan ng G-League.


Ayon sa panukalang kalendaryo, magtitipon ang mga koponan para sa paunang pagsusuri at ensayo sa Enero 19. Darating sila sa Florida sa Enero 26. Ipinatigil ang 2019-2020 G-League noong Marso at tuluyang ipinaliban ang buong torneo na walang kampeon. Noong natigil, nangunguna ang Wisconsin Herd na may 33-10 panalo-talo subalit ang Herd ay kabilang sa 11 koponan na piniling hindi maglaro sa bubble.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page