Pinoy doctors na sasaklolo sa giyera, makauwi sana nang ligtas
ni Ryan Sison @Boses | December 16, 2023
Sa gitna ng umiiral na Israel-Hamas war, handa na ang bansa na magpadala ng mga Pinoy doctor sa Gaza.
Ayon kay Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Chief Executive Officer Richard Gordon, pinoproseso na nila ang pagpapadala ng 35 doktor sa nasabing lugar, habang hinihintay ang pagsasapinal ng mga kasunduan sa Egyptian Red Crescent.
Hindi naman sang-ayon si Gordon na maitalaga ang ating mga doktor sa mga Palestinian Hospital na may mga underground facilities. Aniya, mas gusto niyang sa mga standalone camps mai-assign ang mga ito, kung saan sila ay matutukoy na bahagi ng Red Cross. Ang Palestinian Red Crescent kasi ang namamahala sa Gaza at nasa proseso na tayo ng pagpapadala ng ating mga Pinoy doctor doon.
Giit ni Gordon, ang kanilang kaligtasan ay napakahalaga dahil naroroon sila upang maibsan ang pagdurusa ng maraming bata, kababaihan, matatanda at mga vulnerable, at para gamutin ang mga tinamaan ng giyera.
Matatandaan na 10 araw matapos na bombahin ng mga teroristang Hamas ang Israel at nagawa ng mga itong sila ay mabihag noong Oktubre, nanawagan si Gordon para sa agarang pagtugon mula sa international community at iminungkahi na ang mga barko, military man o commercial gaya ng mga cruise ship, ay ipadala sa Gaza para magsilbi bilang hospital ships dahil patuloy na nadaragdagan ang mga biktima ng labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Mainam ang nais gawin ng kinauukulan na tulungan ang ating kaibigang bansa sa gitna ng giyera sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga doktor sa lugar.
Marami na kasi ang nadadamay at nagiging biktima sa labanang ito, na halos mga bata, matatanda at mga mahihinang ordinaryong mamamayan ang naaapektuhan.
Batid naman natin na mahuhusay at lubos ang dedikasyon ng ating mga doktor pagdating sa panggagamot at pag-aalaga sa mga maysakit, lalo na ang mga biktima ng karahasan, marami silang matutulungan.
Hiling lang sana natin sa pamahalaan na tiyaking maayos ang kalagayan ng ating mga Pinoy doctor habang naroroon sila na nagseserbisyo at siguruhing protektado na hindi madamay sa gulo, at makabalik nang ligtas sa kani-kanilang pamilya matapos ang kanilang misyon doon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments