‘Pinas, ready na ba sa Alert Level 1?
@Editorial | February 10, 2022
Pabor ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapababa ng quarantine status ng Pilipinas sa Alert Level 1.
Ito ay upang bigyang-daan ang sektor ng mga negosyo at trabaho habang bumababa ang kaso ng COVID-19.
Kasalukuyang nasa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) hanggang Pebrero 15.
Kung mag-a-Alert Level 1 tayo, hinay-hinay lang, dapat pa ring mag-ingat at sundin ang lahat ng health protocols.
Palagi pa ring magsuot ng facemask at face shield, lalo na sa matataong lugar.
Nagsimula na ang kampanya, kaliwa’t kanan na naman ang mga pagtitipon ng mga supporters, tiyak na hindi maiiwasan ang siksikan.
At kahit ipinagbabawal sa mga kandidato ang pagkamay, yakap at halik, posibleng malabag pa rin ito.
Kaya ang pakiusap sa mga kandidato, mag-isip at gumawa ng paraan para maiwasan ito.
Una nang sinabi ng Palasyo na tiwala silang hindi magiging dahilan ng superspreader event ang mga kampanya. Ayon sa kinauukulan, ito ay dahil naniniwala sila na maipatutupad at masusunod pa rin ang mga panuntunan laban sa COVID-19, sana…
Huwag nating kalimutan na tayo'y nasa gitna pa rin ng pandemya.
Gamitin natin ang pagluluwag para makabawi sa ating kabuhayan at hindi para makalusot ang virus at kumalat na naman.
Responsibilidad ng bawat isa na mapangalagaan ang ating sarili at pamilya. Huwag makalimot o makampante.



Comments