top of page

‘Pinas, napapagitna sa kontrobersiyal na financing firm scam, hmmm…

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 3, 2020
  • 3 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | July 3, 2020



Napapagitna ang Pilipinas sa kontrobersiyal na banking - financing firm scam na umabot umano sa 2 bilyong dolyares ang nawawala.


Nasabit ang pangalan ng dalawang pinakamalaking bangko sa Pilipinas sa pagbagsak ng dambuhalang financial service provider na Wirecard na nakabase sa Germany!


◘◘◘


Tinukoy ang isang Pinoy na dating ehekutibo ng gobyerno na sinibak at ang chief operating officer ng Wirecard bilang person of interest na sinasabing nagtatago diumano sa Maynila.


Hindi biro ang isyu sapagkat tulad sa “Bangladesh scam” na sumabit ang isa ring bangko sa Pilipinas — may kaugnayan ang financing firm sa pag-asikaso sa mga gambling money at pornographic website payment scheme!


◘◘◘


Pero, hindi ‘yan ang isyu, bagkus ay ang isang ulat na may isa pang dambuhalang bangko sa Pilipinas na paboritong depository bank ng mga Chinese traders ang inaakusahan naman ng tinatawag na DOSRI loan scam.


Nagrereklamo sa Bangko Sentral ang isang alyas Mr. Lee na nagpapakilang president at CEO ng isang malaking grupo ng mga kumpanya!


◘◘◘


Ang “DOSRI” ay kumakatawan sa “directors, officers, stockholders and related interests” kung saan inaakusahang nagkaroon ng kaduda-dudang transaksiyon sa inirereklamong “bangko” na hindi inire-report sa Bangko Sentral.


Sa liham na may petsang Hunyo 16 at naka-address sa mga miyembro ng BSP’s Monetary Board, hinimok ni Lee ang Board na magsagawa ng full fact-finding investigation sa mga alegasyong nakasaad sa kanyang reklamo!


◘◘◘


Inaakusahan ni Lee ang mismong “sister banks” at mga opisyal nito sa pag-aapruba at pag-release ng mga DOSRI loans na may kabuuang 4.13 bilyong piso sa kanyang firm at sinasadyang itago ang karakter ng mga pautang na DOSRI at hindi pagsunod sa reportorial requirements para sa DOSRI loans.


Aniya, “May kababaang-loob akong nakikiusap sa Honorable Board na idirekta ang pagsasagawa ng naturang pagsisiyasat sa paghahanap ng katotohanan at kapag napatunayang nabigong iulat ang DOSRI loans, ang naaangkop na parusa ay dapat ipataw tulad ng pagsusumite ng reklamo sa tanggapan ng DOJ kagaya ng kaso ng namayapa na’t dating DFA Secretary, et al. para sa mga unreported DOSRI loan na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon.”


◘◘◘


Inilahad nito sa liham na noong unang bahagi ng Pebrero ay ipinagbigay-alam niya sa BSP’s Financial Supervision Sector (FSS) ang “posibleng paglabag” ng mga respondents kung saan pinayuhan siyang mag-file ng administrative complaint –– at ngayon ang BSP’s Office of the General Counsel and Legal Services (OGCLS) ay ipinabatid sa kanya na ang kanyang reklamo ay isangguni sa FSS.


Sa isa pang liham na may petsang Hunyo 22, umaapela si Lee sa Monetary Board na magsagawa ng full-inquiry fact-finding investigation –– hindi ‘yung mababaw na pagsusuri na nakatakdang gawin ng Office of the General Counsel and Legal Services –– laban sa mga direktor at mga opisyal at hindi lamang ang bangko mismo.


Binigyang-diin ni Lee na hindi niya hinahangad ang pagsasara ng naturang bangko, ngunit ang paglabag sa DOSRI ay napakalaking krimen na maaaring mapunta sa ilalim ng basahan!


◘◘◘


Hinimok din ng negosyante ang BSP General Counsel na isaalang-alang ang pagtanggi mula sa fact-finding investigation na iniutos ng Monetary Board na binabanggit ang kanyang pagkabigo “sa pag-aalis ng General Counsel ng aking letter-complaint sa pamamagitan ng pagpapababa nito sa isang administrative complaint para sa kanyang adjudication at hindi isang pagsisiyasat sa katotohanan.”


Ipinunto ni Lee na ang fact-finding investigation ay mangangailangan ng higit pa sa isang pagsusuri ng mga pagsusumite kahit na kakailanganin nito ang malalimang pagsisiyasat sa paksa sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga partido na kasangkot kasama ang mga direktor, opisyal, at empleyado ng mga nasasangkot na bangko at kumpanya!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page