'Pinas kampeon sa Mobile Legends Bang Bang at Dota 2 sa 1st Razer
- BULGAR

- Jul 15, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 15, 2020

Muli na namang nagpamalas ang mga Filipino online gamers ng malulupit na estratehiya at maaangas na paglalaro sa nakalipas na 1st Razer Southeast Asian Invitationals na nagsimula noong Hunyo 26 at nagtapos nitong Linggo ng gabi, Hulyo 12.
Ibinulsa ng mga koponan na Bren Sports at Neon Sports ang kampeonato sa Mobile Legends: Bang Bang at Dota 2, ayon sa pagkakasunod, habang napagwagian naman ng Vietnam ang PUBG (PlayerUnknown’s Battlegrounds) top price na nagtapos noong Hulyo 5.
Parehong nakatapat ng Pilipinas ang koponan mula sa Vietnam na Vec Fantasy at 496 Gaming para sa best-of-five championship format. Bago ang kampeonato, nagawa munang walisin ng Vec Fantasy ang Bren Sports noong Biyernes, ngunit tila sinuwerte ang Pambansang Koponan at natalo ang grupo ng Myanmar upang makakuhang muli ng rematch ang Bren Sports sa huling tapatan na natuntong sa gitgitang 2-2 serye.
Binuhat nina KarlTzy at FlapTzy ang koponan ng Bren Sports gamit ang karakter nina Claude at Masha sa mid-game rally upang ungusan ang Vec Fantasy Main sa ML:BB championship. Rumatsada ng 11 kills, 1 assist at 2 deaths ang 15-anyos na si KarlTzy para game 5 victory.
Umabot din ng Game 5 ang tapatan ng Neon Sports at 496 Gaming sa Dota 2; subalit tila mas mahusay ang diskarte ng mga Pinoy E-gamers sa pagrehistro ng 62 kills kumpara sa 22 lamang ng Vietnamese squad. Nagpakitang gilas ang mga karakter nina Playhard at Skem sa Dota 2 na sina Ember Spirit (Xin) at Bloodseeker (Stygwyr) para bitbitin ang pambansang koponan sa panalo.
Hindi naman umuwing luhaan ang koponan ng Vietnam ng pagwagian nila ang PUBG championship ng makakolekta ito ng 298 points laban sa Thailand na mayroon lamang 269 puntos. Sinundan sila ng Brunei (236), Indonesia (210), Philippines (197), Laos (180), Myanmar (144) at Singapore 140).
Nilahukan ng mahigit sa 400 koponan at lalampas sa 3000 atleta mula sa ASEAN region ang tinitignang pinakamalaking SEA Esports tournament ngayong taon na may prize pool na $5,000.
Sa nagdaang 2019 SEAG, nagbulsa ng 3 gintong medalya ang bansa mula sa Starcraft II, ML:BB at Dota 2. Mahigpit na nakalaban ng Pilipinas ang bansang Indonesia sa ML:BB, habang dinaig naman ng mga Pinoy ang Thailand.
Gayunpaman, namemeligrong ganapin ang E-Sports sa darating na 31st edisyon nito sa Vietnam dahil tinanggal sa listahan ang naturang pampalakasan ng organizing committee.





Comments