Pinag-aasawa na ng parents, takot umaming tibo ang ka-live-in
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 10, 2021
Dear Sister Isabel,
May mabigat akong problema at ako lang ang nakakaalam nito. Hindi alam ng pamilya ko na may ka-live-in akong tomboy at akala nila ay mag-isa ako sa inuupahan kong condo rito sa Ortigas. Naiinip na ang parents ko at gusto na raw nilang magka-apo kaya pinag-aasawa na ako. Isa pa, nasa tamang edad na raw ako para magkaroon ng sariling pamilya.
Ang sabi ko kasi sa kanila, may boyfriend akong foreigner at balak niya akong pakasalan pagpunta rito sa Pilipinas, pero hindi ‘yun totoo. Gustong-gusto ko nang ipagtapat sa kanila na may kinakasama akong tibo, pero mahal ko siya. Hindi mapanatag ang aking kalooban dahil istrikto ang ama ko at tiyak na itatakwil niya ako kapag nalaman niyang pumatol ako sa tomboy.
Sister, hindi ako matahimik at palagi akong balisa. Walang kapayapaan ang isipan nitong mga nakaraang araw. Ano ang dapat kong gawin upang mapanatag ang aking kalooban, mabuhay nang payapa, masaya at walang bumabagabag sa kalooban?
Nawa’y mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Divina ng Ilocos Sur
Sa iyo, Divina,
Makabubuting huwag mo nang ipagtapat sa parents mo na may ka-live-in kang tomboy.
Walang mangyayaring mabuti kung malalaman nila ang kalagayan mo sa kasalukuyan.
Sa halip, i-enjoy mo na lang ang buhay mo dahil ang mahalaga, mahal ka ng partner mo at mahal mo rin siya.
Maikli lang ang buhay sa mundo, kaya i-enjoy mo ito at gawing kapaki-pakinabang, hangga’t wala kang tinatapakan sa pinili mong buhay.
Kung sakaling mabisto ng mga magulang mo na may karelasyon kang tomboy, sa palagay ko ay maiintindihan ka nila dahil sa panahon ngayon, open-minded na ang mga tao sa ganyang klase ng relasyon. Tanggap na ng marami ang same-sex relationship na puwedeng mauwi sa same-sex marriage.
Ipanatag mo ang iyong isip, relax ka lang at harapin mo ang buhay nang magaan at payapa ang isipan upang hindi mauwi sa depresyon ang sobrang pag-aalala mo ngayon.
Alalahanin mo, health is wealth.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments