top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pinadali at ligtas na access sa grades, data, good moral record, etc. ng estudyante

  • BULGAR
  • Nov 8, 2022
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 8, 2022


Iminumungkahi ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng National Public School Database upang mapalawig ang access ng publiko sa mga record ng mga mag-aaral at mapadali ang proseso ng enrollment.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 478, lilikha at magpapatakbo ang Department of Education (DepEd) ng National Public School Database, kung saan matatagpuan ang impormasyong tulad ng grades, personal na datos, good moral record at improvement tracking.


Ito ay magsisilbing mekanismo para sa pagbibigay ng napapanahon, akma at wastong impormasyon na makatutulong sa pagpapadali ng mga gawain ng ating mga guro.


Mahalaga rin ito, lalo na’t madaling masira at mawala ang mga pisikal na dokumento dahil sa kawalan ng maayos na lalagyan dahil sa baha, sunog at iba pang mga kalamidad. Kaya naman, kung maisasantabi ang mga record ng mag-aaral sa database, mapapanatili ang kanilang impormasyon na makatutulong sa assessment, pagpaplano at pagtatakda ng mga operational targets.


Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga school administrator ay bibigyan ng access sa National Public School Database, kung saan matatagpuan ang mga datos ng mga mag-aaral, kabilang ang mga exam scores, grade levels, attendance at record ng pagbabakuna. Ito ay para makatulong sa pagtatala ng biographical data para sa lahat ng mag-aaral at makatulong sa admission at discharge at sa paglipat ng mga mag-aaral sa ibang paaralan.


Bukod dito ay iminumungkahi rin natin ang Database Information Program para sa pagsasanay ng mga education professionals sa paglikha at pagpapanatili ng sinasabing database.


Sa ilalim pa rin ng panukalang batas, imamandato ang DepEd na tiyakin ang kaligtasan ng impormasyong nakalagay sa National Public School Database. Ang pag-access at paggamit sa impormasyong matatagpuan sa database ay dapat maging alinsunod sa Republic Act No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page