Pilipinas mapapahamon sa buwelta ng Indonesia
- BULGAR
- Aug 17, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 17, 2024

Haharapin ng Alas Pilipinas ang hamon ng defending Indonesia, sa pagpapatuloy ng unang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 sa Ninoy Aquino Stadium. Umaasa ang mga Pinoy na ang paglaro sa harap ng kanilang kababayan ang magiging susi para sa kanilang unang tagumpay sa dalawang taon ng torneo.
Galing ang mga Indones sa 21-25, 23-25 at 20-25 pagkabigo sa Thailand Biyernes upang buksan ang torneo. Matapos ipamigay ang unang dalawang set, may pagkakataon ang Indonesia at kinuha ang 19-17 lamang sa pangatlong set subalit rumatrat ng pitong sunod ang mga Thai at hindi na nila pinatagal ang laro.
Maglalaro ng single round o tig-tatlong beses ang apat na koponan at ang may pinakamataas na kartada ang kokoronahang kampeon. Tinatapos ng Alas ang kanilang unang laro kontra Vietnam kagabi.
Winalis ng Indonesia ang dalawang yugto noong 2023. Tinalo nila ang Thailand sa Bogor at Vietnam sa Indonesia habang kulelat ang Pilipinas sa parehong yugto at bigo sa ipinagsamang anim na laro.
May konswelo ang mga Pinoy at napili si Steven Rotter bilang Best Opposite Spiker ng dalawang beses. Hindi bahagi ng pambansang koponan ngayon si Rotter at pangungunahan ang Alas Pilipinas nina Bryan Bagunas at mga magbabalik na sina Kim Malabunga, Lloyd Josafat at Vince Patrick Lorenzo.
Ang iba pang kasapi ng koponan ay sina Joshua Ybanez, Jade Disquitado, Noel Kampton, Gabriel Casana, Joshua Retamar, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Gerard Diao, Louie Ramirez at Michael Buddin. Head coach si Angiolino Frigoni.








Comments