Pilipi-Knows: Kahalagahan ng Visita Iglesia
- BULGAR
- Apr 15
- 2 min read
ni Dominic Santos (OJT) @Life & Style | Apr. 15, 2025
Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging relihiyoso. Kaya naman taun-taon sa tuwing sumasapit ang Mahal na Araw, isa sa mga karaniwang ginagawa natin ay ang Visita Iglesia.
Maraming mahahalagang bagay at paliwanag na kailangan nating matutunan tungkol dito, kaya halina’t alamin natin ang mga ito.
Ang Visita Iglesia ay isang tradisyon ng Romano Katoliko tuwing Semana Santa, kung saan ang mga indibidwal ay bumibisita sa mga simbahan upang manalangin at magnilay-nilay tungkol sa mga paghihirap at pagkamatay ni Hesu-Kristo.
Ito ay karaniwang ginugunita tuwing Maundy Thursday o Huwebes Santo. Ngunit, bakit nga ba tinawag itong Maundy Thursday?
Ang salitang ‘Maundy’ ay mula sa ‘mandatum’ na isang salitang Latin na ang ibig sabihin ay mandato o kautusan. Nangangahulugan din ito ng ‘foot washing’ o paghuhugas ng paa kagaya ng seremonya ng paghuhugas ng paa ni Hesus sa kanyang mga alagad, pagkatapos ng kanilang pagsasalo-salo sa Huling Hapunan o ‘Last Supper’.
Dito, ipinapakita ng ilang deboto ang paggunita ng Visita Iglesia bilang isang panata, naglalakad sila nang nakapaa o barefoot habang ang iba naman ay nagbubuhat ng krus.
Nagagawa rin nila na bumisita sa pito hanggang 14 na simbahan. Ang pitong simbahan ay sumisimbolo ng ‘Pitong Huling Wika’ ng Diyos habang ang 14 na simbahan ay katumbas ng 14 Stations of the Cross.
Sa mga nagdaang taon, hindi nalilimutang gawin ng maraming Katoliko ang Visita Iglesia. Ramdam kasi nila ang kakulangan sa paggunita ng Semana Santa kung wala nito. Gayunpaman, hindi natatapos ang Visita Iglesia sa pagpunta lamang sa mga simbahan.
Ang tunay na diwa nito ay nagmumula sa kalooban ng bawat Kristiyano sa pag-aalay nila ng dasal at pagbubulay-bulay sa mga paghihirap at sakripisyo na ginawa ni Hesus para sa sangkatauhan. Nawa’y manatili sa puso at isipan natin ang kahalagahan ng Visita Iglesia.
Comments