- BULGAR
- Apr 17
by Info @Editorial | Apr. 17, 2025

Semana Santa, panahon ng pananahimik, pagninilay, at pagbabalik-loob sa Diyos.
Sa mga panahong tulad nito, ang mga tao ay naghahanap ng katahimikan, hindi campaign jingle. Nagninilay, hindi namumulitika. Nagsisimba, hindi nagbabangayan.
Kaya naman awat muna sa kampanya.
Bawal ang mga kandidatong hindi marunong rumespeto sa sagradong panahong ito. Huwag nang tangkain ang pamimigay ng ayuda na may kasamang mukha sa plastik.
Ganundin ang pagpo-post online ng “pabasa” pero parang mas highlight pa ang campaign logo kaysa sa dasal.
Kandidato, huwag umepal ngayong Semana Santa. Hindi ito tungkol sa inyo. Hindi ito ang panahon para magpasikat. Hindi ito pagkakataon para magparamdam ng “concern” kung may nakatagong layunin din naman.
Kung gustong tumulong — tumulong. Pero gawin ito nang tahimik, tapat, at may respeto sa pananampalataya ng sambayanang Pilipino. Hindi lahat ng bagay ay kailangang gamitan ng camera, tarpaulin, at social media post.
Ang Semana Santa ay para sa Diyos, hindi sa pulitiko.