Pikit-mata na naman sa taas-presyo sa petrolyo
@Editorial | March 29, 2022
Matapos ang sunud-sunod na taas-presyo at isang beses na rollback, magpapatupad na naman ng oil price increase.
Batay sa anunsiyo ng mga gas stations, may dagdag na P8.65 sa kada litro ng diesel habang P3.40 naman ang patong sa kada litro ng gasolina.
Magkakaroon din ng taas-presyo na P9.40 sa bawat litro ng kerosene.
Epektibo ang oil price adjustment ngayong araw, eh, di wow!
May magagawa ba ang taumbayan? Puwede bang sabihin na huwag na muna magpa-gas at mataas na naman ang presyo? Uubra ba na tigil-pasada at hinto muna sa negosyo?
Halos nasanay na lang tayo na pikit-mata habang nagpapa-gas.
Kaya ang hamon sa lahat ng mga nag-aambisyon na mapuwesto sa gobyerno, ngayon n’yo ilatag ang inyong solusyon sa hindi maawat na oil price hike na sinusundan ng taas-presyo sa mga bilihin at serbisyo.
Hindi ‘yung puro pa-pogi, pa-epal, pa-concert, pa-selfie at pambobola lang ang laman ng kampanya.
Tayo ay nasa seryosong sitwasyon na habang dumaranas ng hirap sa gitna ng pandemya ay sinasabayan naman ng krisis sa ibang bansa na nadadamay ang ating kabuhayan. Walang ibang panahon para kumilos ang kinauukulan kundi ngayon. Huwag na sanang hintayin ang susunod na administrasyon.



Comments