top of page

Phl Nat'l Booters, sasalang sa AFF U-18 Women's C'ships

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 25, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 25, 2022




Sariwa pa mula sa kanilang makasaysayang kampeonato sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship isang linggo na ang nakakalipas, sasalang muli sa aksiyon sina Isabella Flanigan at Chantelle Maniti bilang bahagi ng kinatawan ng Pilipinas sa ikalawang edisyon ng AFF Under-18 Women’s Championship sa Palembang, Indonesia. Unang haharapin ng koponan ngayong Lunes ang Australia simula ng 4:30 ng hapon, oras sa Pilipinas, sa Jakabaring Athletic Field.


Pangungunahan nina forward Flanigan at defender Maniti ang 25 iba pang mga kakampi na gagabayan ni Coach Marnelli “Let” Dimzon. Ang torneo ay bukas sa lahat ng manlalaro na ipinanganak simula Enero 1, 2004 pataas.


Inaasahan na maghahatid ng mga goal si Flanigan na naka-isa sa 7-0 panalo ng Filipinas sa Singapore patungo sa korona ng AFF. Naka-goal din siya sa 5-0 tagumpay sa Cambodia noong 31st Southeast Asian Games noong Mayo at isa sa 8-0 panalo sa FIFA Friendly kontra Fiji noong Abril.


Ang iba pang mga forward ay sina Angely Alferez, Jodi Mae Banzon at Jonalyn Lucban. Ang mga midfielder ay sina Isabella Noelle Alamo, Meagan Andrea Alforque, Mish Tzishe Castanares, Kyza Stephan Colina, Francesca Crespo, Jade Anne Jalique, Sophia Lyttle, Karen Mae Mangantang, Celina Beatrice Salazar at Mikaela Jaqueline Villacin.


Si Maniti ang mamumuno sa depensa kasama ang mga kapwa defender Stella Maria Divino, Elisha Flor Lubiano, Maxine Isabel Pascual, Jenny Perez, Micha Pauline Santiago, Rae Mikella Tolentino, Kylie Anne Yap at Florence Lhei Ycong. Ang mahalagang posisyon ng goalkeeper ay hahawakan nina Aspen Harper Dunn, Ma. Andrea Evangelista, Samantha Nicole Link at Alexis Louise Tan.


Ginanap sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite at Greenfield sa Santa Rosa City ang kanilang ensayo. Lumipad patungong Palembang ang koponan noong Biyernes.


Ang Pilipinas at Australia ay parehong nabunot sa Grupo B. Pagkatapos ng Australia, susunod na haharapin ng mga Pinay ang Myanmar sa Hulyo 27 at Malaysia sa Hulyo 29.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page