top of page

PHL Kurash bitbit ang impresibong performance sa SEAG AT Asian Games

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | September 1, 2025



Kurash BJJ

Photo: Sumabak sa magkasunod na event ang Kurash national athletes sa 2nd KUSEA Championship at 1st KUSEA Beach Kurash Championship



Bumalibag ng sangkaterbang medalya ang Philippine National Kurash team kasunod ng magkakahiwalay na international tournament bilang paghahanda sa darating na malalaking torneo tulad ng 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Bangkok, Thailand at 2026 Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan.


Patuloy na lumilikha ng impresibong performance ang national squad sa pangunguna ng mga national standouts na sina Asian Championship medalist Charmea Quelino (women’s 63kgs) at Gabriel Ligero, gayundin sina George Angelo Baclagan (men’s 90kgs), double gold medalist Zeus Babanto at 2021 SEA Games gold medalist Jackielou Escarpe (men’s -73kgs), habang sumabak din ang ilang grassroots athletes na matagumpay na nagbulsa ng medalya sa kambal na kompetisyon na ginanap sa Lombok, West Nusa Tengarra Barat sa probinsya ng Indonesia noong nagdaang weekend.


Sumabak sa magkasunod na event ang Kurash national athletes sa 2nd KUSEA Championship at 1st KUSEA Beach Kurash Championship para sa kabuuang 23 medalya sa indoor competition at 22 medals naman sa beach action. “Malaking blessing para sa buong team dahil matagal kase silang nasabik magkaroon ng exposure sa labas.


May iba kase na maglalaro sa 2025 SEA Games sa Judo at Jiu-Jitsu plus next year Asian Games na rin and need nila ng magandang record to qualify,” pahayag ni Kurash coach at dating SEA Games multi-medalists Jillou Mosqueda sa panayam ng Bulgar Sports. “We are getting closer na du'n sa laging nag-overall na bansa (which is Vietnam).


Usually kase sa kanila lahat gold, but we’ve seen so much improvement sa mga players right now,” dagdag ng dating judo at kurash national team athlete na pinasalamatan ng husto ang PSC at POC. Hinambalos ni Quelino ang 2 medalya sa magkahiwalay na bakbakan ng maitala ang gintong medalya sa beach at silver medal sa indoor sa kapwa seniors under-63kgs; dalawang tanso ang kinubra ni 2-time Asian champ bronze medalist Ligero sa under-60kgs, habang nangibabaw sa men’s -90kgs sa beach event si Baclagan at isang tanso sa indoor, gayundin si Escarpe na nakuntento sa 2 tanso sa kanyang kategorya.


Maningning ang dalawang ginto kay multi-athlete Babanto sa cadets under-83kgs sa parehong palaro, habang nasilayan din si 2019 Manila SEA Games champion Estie Gay Liwanen na sumabak sa women’s -78kgs beach na nakakuha ng bronze medal.


Bumira rin ang national mainstays na sina Helen Aclopen (2x bronze - 48kgs); Margaret Fajardo (2x silver -70kgs); Arthuro Llandino (2x bronze -55kgs); Ryan Christian Benavidez (2x silver -66kgs); Niko Ong (2x Bronze -81kgs); Ryan Donor (2x bronze -81kgs); at dating SEAG medalist Renzo Cazeñas (2x silver -90kgs).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page