Search
  • BULGAR

PHL Football, may guidelines na para sa health protocol

ni Anthony Servinio - @Sports | July 1, 2020




Inilabas na ng Philippine Football Federation (PFF) ang gabay para sa pagbalik ng lahat ng antas ng Football sa napipintong pagpapaluwag sa mga quarantine sa buong bansa. Nakipag-ugnayan na ang PFF sa Games and Amusements Board (GAB) upang makiusap sa Inter-Agency Task Force na payagan ang ensayo patungo sa pagbukas ng 2020 Qatar Airways Philippines Football League (PFL).


Noong Mayo ay naghain ang PFF at mga koponan ng 26 pahinang “Operations Protocols on Philippines Football League” sa GAB. Laman ng dokumento ang mga stratehiya na halaw sa mga liga sa ibang bansa na nagbukas o magbubukas pa lamang na ayon sa mga inilatag ng FIFA, World Health Organization IWHO) at ng pamahalaan.


Hinihintay ng PFF kung ano ang magiging pasya ng IATF. Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang mga laro na maraming kalahok sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ).


Umaasa rin ang PFF na matutuloy ang mga laro ng Philippine Azkals sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup qualifier kontra sa mga bisita galing Guam sa Oktubre 8 at Maldives sa Nobyembre 17, Sa gitna ng dalawang laro ay darayo ang Azkals upang harapin ang Tsina sa Nobyembre 12.


Nakatakda rin ang 2020 AFF Suzuki Cup mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 31, 2020 subalit wala pang huling kompirmasyon ang AFF. Ganyan din ang lagay ng ibang mga torneo ng AFC at AFF para sa kababaihan at kabataan.


Nilipat muna sa hindi pa tiyak na petsa ang mga sumusunod na torneo para sa 2020 – PFF Women’s League, Under-15 at Under-17 Championship ng lalake, Under-16 and Under-18 Championship ng babae at mga Football Festival sa mga rehiyon. Ang mga bagong petsa ay depende sa magiging utos ng pamahalaan.


Patuloy pa ring sinusuri at pinag-aaralan ng PFF ang sitwasyon upang maibalik ng ligtas ang Football sa ilalim ng “new normal”. Nanawagan sina PFF President Mariano Araneta at Secretary General Atty. Edwin Gastanes na alagaan ang pansariling kalusugan at kaligtasan at sumunod sa mga utos ng pamahalaan upang labanan ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.