PhilHealth, nagpaalala sa benepisyo sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
by Info @Brand Zone | July 23, 2025
Press Release No. 2025-28 - July 23, 2025
Sa patuloy na mga pag-ulan at sa pagbahang dulot nito sa maraming bahagi ng bansa, tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na sagot nito ang pagpapaospital dulot ng dengue at leptospirosis, dalawa sa pinakakaraniwang kondisyon na nakakaapekto sa mga Pilipino tuwing tag-ulan.
Ang pinalawak na benepisyo ng PhilHealth ay umaabot na ngayon sa P19,500 para sa moderate dengue at P47,000 naman para sa severe dengue. Samantala, ang saklaw para sa leptospirosis ay napabuti na sa P21,450. Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gawing abot kamay at tunay na nararamdaman ang mga benepisyo sa pangangalaga ng kalusugan.
"Kung tinamaan ng dengue o leptospirosis sa kabila ng pag-iingat, magpunta na po kayo agad sa malapit na PhilHealth-accredited health facility para kayo ay magamot. Huwag na po kayong mag-agam-agam dahil sagot ng PhilHealth ang malaking bahagi ng inyong gastos sa pagpapagamot," paniniguro ni PhilHealth President at CEO Dr. Edwin M. Mercado.
Ipinapaalala rin ng PhilHealth sa publiko na unahin ang personal na kaligtasan tuwing tag-ulan. Upang maiwasan ang mga sakit na dala ng tubig at upang maiwasan ang impeksyon sa leptospirosis, mahigpit na ipinapayo na: umiwas na lumusong o maglaro sa baha, maghugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo, uminom ng malinis na tubig at tiyakin na malinis at lutong-luto ang pagkain.
Para naman maiwasan ang dengue, ipinapayo ng mga awtoridad na panatilihing malinis ang kapaligiran at gumamit ng kulambo o insect repellent upang maiwasan ang mga lamok na may dalang dengue.
Para sa karagdagang detalye o katanungan tungkol sa mga benepisyo, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 hotline ng PhilHealth sa (02) 866-225-88 o sa sumusunod na mobile touchpoints: 0998-857-2957, 0968-865-4670, 0917-1275987, o 0917-1109812.
Commenti