top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

PFL 2020 postponed, Azkals, balik sa Marso

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 13, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 11, 2020




Dahil sa pinsala dulot ng bagyong Ulysses, ipinagpaliban muna ng Philippines Football (PFL) ang laro sa pagitan ng Mendiola 1991 at Stallion Laguna kahapon sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Pag-aaralan at ihahayag agad ng liga ang bagong petsa nito.


Papasok sa laban, nasa pang-apat na pwesto ang Mendiola na may apat na puntos buhat sa isang panalo at isang tabla. Nasa ika-anim at huling pwesto ang Stallion na may isang puntos galing sa isang tabla at maaaring umangat at maagaw ang ika-apat na pwesto kung mananalo na may malaking agwat sa Mendiola.


Mahalaga ang huling puwesto sa liga upang matukoy kung anong mga koponan ang ipapadala sa mga pandaigdigang palaro sa susunod na taon. Nakakatiyak na ang kampeon United City sa 2021 AFC Champions League at susubukan ng pumangalawang Kaya Iloilo na samahan sila kung magtatagumpay sa qualifiers sa Enero.


Kung papalarin at makapasok ang Kaya, papalitan sila sa 2021 AFC Cup ng susunod na koponan. Ang pumangatlong Azkals Development Team ay tinuturing na “guest team” kaya nagbubukas ito ng pinto para sa pang-apat na koponan na maging reserba para sa AFC Cup.


Samantala, babalik na sa aksyon ang Philippine Azkals matapos ihayag ng AFC Competitions Committee ang mga bagong petsa ng ilan nitong palaro para sa 2021. Lalaruin ang nalalabing apat na araw sa Round Two ng pinagsabay na qualifier para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup China sa Marso at Hunyo.


Dadalaw ang Guam sa Pilipinas sa Marso. Sa Hunyo, pupunta ang Azkals sa Tsina at uuwi agad para harapin ang mga bisita galing Maldives sa pagwakas ng Round Two.


Kasalukuyang tabla ang Pilipinas at Tsina para sa ikalawang pwesto sa Grupo A sa likod ng nangungunang Syria na may perpektong 15 puntos mula sa limang laro. Tanging ang numero uno at pangalawang mga koponan ang may pag-asa na tumuloy sa Round Three na gaganapin sa Setyembre, 2021.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page