Petsa ng pagbubukas ng klase, nasa kamay na ni P-Duterte
- BULGAR

- Jul 21, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | July 20, 2020

Ganap nang batas ang Republic Act 11480, matapos na pirmahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan magbibigay ng kapangyarihan sa Chief Executive na magtakda ng petsa sa pagbubukas ng klase sakaling nasa state of calamity o emergency ang bansa.
Nilalaman ng naturang batas, na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong July 17, na mayroong kapangyarihan ang President, na may rekomendasyon din ng Secretary of Education, na itakda ang petsa ng klase sa buong Pilipinas at sa mga piling lugar sa panahon ng state of calamity at emergency.
Inamyendahan ng RA11480 ang Republic Act 7797, kung saan nakatakda ang pagbubukas ng klase sa unang Lunes ng Hunyo subalit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto. Nakapaloob dito ang lahat ng basic education schools, kasama na ang foreign o international schools sa Pilipinas.
Maaari ring magsagawa ng Saturday classes para sa elementary at secondary levels. Inanunsiyo na kamakailan ng Department of Education (DepEd) ang pagsisimula ng klase sa August 24. Gayundin, walang face-to-face classes hanggang walang covid-19 vaccine.
Ipinagdiinan din ng ahensiya ang gagawing online at modular learning, pati na ang radio at television networks upang masigurong patuloy na maituro ang mga lessons. Sa kabila ng maraming panawagan ng pag-delay ng klase sa August 24, nanindigan si DepEd Secretary Leonor Briones na tuloy ito sa August 24.
Ayon sa kanya, “whatever form it is.” Subalit, nagpahayag ang Pangulo ng kanyang pagdududa kung kakayanin ng bansa ang pagpapatupad ng distance learning. Ayon kay Pangulong Duterte, “I don’t know if we are ready for that.”
Gayunman, nasa mga kamay na ng Pangulo ang pagdedesisyon ng petsa ng pagbubukas ng klase sa bansa.





Comments