Petsa at motif ng kasal na swak sa mag-dyowang bet nang magsama
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 08, 2022
Dear Maestro,
Magda-dalawang taon na kami ng boyfriend ko at sa tagal ng samahan namin, bihira naman kaming mag-away. Nagbabalak na kaming magpakasal sa susunod na taong 2023, pero nawalan ng trabaho ang boyfriend ko mula nang nagka-pandemic, tapos irregular na ang trabaho niya.
Kailan ba siya magkakaroon ng regular at magandang trabaho, gayundin, compatible ba kami at maganda bang magpakasal kami sa 2023?
Ano rin ang bagay na motif sa aming kasal na magbibigay ng suwerte at magandang kapalaran sa amin? November 11, 1992 ang birthday ko at July 16, 1991 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Wella ng San Jose, Licab, Nueva Ecija
Dear Wella,
Ang zodiac sign mong Scorpio at Cancer ang boyfriend mo ay nagsasabing compatible kayo, sapagkat ang Scorpio at Cancer ay may iisang elementong tinataglay– ang elementong tubig o water.
Habang sa Numerology, ang birth date mong 2 o 11 (ang 11 ay 1+1=2) at 16 na may sumatotal na 7 (ang 16 ay 1+6=7) ang boyfriend mo ay tugma rin naman, dahil ang weak number na 2 at 7 ay kadalasang nagkakatuluyan at nagsasama habambuhay.
Hinggil naman sa Career Calendar ng iyong boyfriend na isinilang noong July 16, 1991, tinatayang sa taong 2022 hanggang 2023, magkakaroon na siya ng regular at permanenteng hanapbuhay, kaya naman okey magpakasal sa susunod na taong 2023 o 2024.
Dahil kapwa kayo water type sign, piliin n’yo ang earth type sign para sa buwan ng inyong kasal, isaalang-alang ang mga buwan ng December, April, May, August at September, higit lalo sa favorable niyang petsa, tulad ng 1, 10, 19, 28, puwede rin ang 9, 18, at 27 o ang mismong petsa ng inyong birth date tulad ng 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29, maaari ring isaalang-alang ang petsang 5, 14 at 23.
Itapat lamang ang nasabing pag-iisang dibdib sa panahong papalaki o bilog ang buwan tulad ng first quarter, new moon o full moon. Upang tulad ng papalaki at papabulas na buwan, magiging papalaki at papabulas din ang inyong kabuhayan habang kayo ay nagkakasundo at patuloy na nagmamahalan.
Mapalad namang motif ng kasal ang berde o pula, na siya ring secondary color ng isang Scorpio.
Sa nabanggit na kulay, tulad ng inaasahan, patuloy na susuwertehin at habambuhay na uunlad at magiging maligaya ang itatayo n’yong pamilya.




Comments