ni Anthony Servinio @Sports | January 26, 2024

Walang-kabang ipinasok ni Jordan Heading ang dalawang free throw patungo sa 91-89 tagumpay ng Strong Group Athletics ng Pilipinas kontra Al Ahly Tripoli ng Libya at walisin ang limang laro sa elimination round ng 33rd Dubai International Basketball Championship sa Al Nasr Stadium kahapon ng madaling araw, oras sa Pilipinas.
Pasok ang perpektong SGA sa knockout quarterfinals at hihintayin ang makakalaro ayon sa magiging resulta ng huling araw ng elimination.
Itinala ng Tripoli ang unang 6 na puntos ng 4th quarter upang lumamang, 79-74, subalit inahon ni Dwight Howard ang SGA hanggang ibalik ni Kevin Quiambao ang bentahe sa kanyang dalawang free throw, 83-81. Hindi pa tapos si Howard at kasama ni Andray Blatche ay pinalaki ang agwat, 89-82, papalapit sa last 2 minutes.
Binigyan ng foul si Heading na may 18 segundo sa orasan upang makahinga saglit ang SGA, 91-88, at hindi pumasok ang mga tira ng Tripoli at isang free throw lang ang naidagdag para sa huling talaan.
Ito na ang pinakamahusay na limang laro ni Heading na pumukol ng limang three-points para sa 19 puntos at 5 assist bilang reserba. Sumuporta sina Quiambao at Howard na may tig-17 habang nag-ambag ng 13 si Andre Roberson at 10 kay Blatche.
Makakalaro ng SGA ang pang-apat na koponan ng Grupo A. Ang mas mahalaga, maiiwasan nila ang defending champion Al Riyadi ng Lebanon na tiyak na magtatapos sa taas ng Grupo A kahit ano ang kalalabasan ng huli nilang laro kagabi kontra Al Nasr ng UAE.
Maliban sa Al Riyadi (4-0), mahigpit ang karera sa grupo sa pagitan ng Tunisia (3-2), Al Ahly Benghazi ng Libya (2-2), Al Nasr (2-2) at AS Sale ng Morocco (2-3). Tanging ang Sagesse ng Lebanon (0-4) ang tiyak na hindi mapapabilang sa quarterfinals.
Comments