Pelicans at 76ers, namahiya; Hawks, sinisante ang coach

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 3, 2021

Ginulat ng New Orleans Pelicans ang numero unong Utah Jazz, 129-124, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Smoothie King Center. Ginamit ng Pelicans ang biglang pagtamlay ng Jazz sa 4th quarter at lumamang, 107-90, at ito ay naging sapat para maiwasan ang huling hirit ng mga bisita.
Parehong gumawa ng tig-26 puntos sina Brandon Ingram at Zion Williamson na humakot din ng 10 rebound. Kahit bigo, nasa tuktok pa rin ng buong liga ang Utah (27-8), tatlong laro ang agwat sa humahabol na defending champion Los Angeles Lakers (24-11) at LA Clippers (24-12).
Umiwas mapahiya ang numero uno sa Eastern Conference na Philadelphia 76ers at iniligpit ang Indiana Pacers, 130-114. Nanguna si Shake Milton na may 26 puntos at nagsumite ng double-double si Joel Embiid na 24 puntos. Mahalaga ang panalo ng 76ers (23-12) dahil nanalo ang Brooklyn Nets sa San Antonio Spurs sa overtime, 124-113. Triple double si James Harden na 30 puntos habang 27 puntos si Kyrie Irving para sa kartadang 23-13, kalahating laro sa likod ng Philadelphia.
Patuloy ang pagbuti ng laro ng Dallas Mavericks sa kanilang tagumpay sa Orlando Magic, 130-124, ang ika-8 sa kanilang huling 10 laro. Nagtala ng 33 puntos si All-Star Luka Doncic habang may 24 puntos sa Jalen Brunson para sa kartadang 17-16 mula sa 9-14.
Bumida sina Nikola Jokic at Jamal Murray na parehong may tig-5 puntos sa huling dalawang minuto upang maagaw ng Denver Nuggets ang panalo sa Chicago Bulls, 118-112. Nanguna si Jokic na may 39 puntos at sinundan ni Murray na may 24 puntos. Sumama rin sa mga nanalo kahapon ang Cleveland Cavaliers kontra sa Houston Rockets, 101-90. Umapoy para sa 39 puntos si Collin Sexton
Samantala, sinisante ng Atlanta Hawks si Coach Lloyd Pierce matapos matalo ng dalawang sunod at lalong lumagpak sa 14-20 at ika-11 sa Eastern Conference. Papalitan si Coach Pierce ni assistant coach Nate McMillan na may karanasan bilang head coach ng Seattle SuperSonics, Portland Trail Blazers at Indiana Pacers.





Comments