Pekeng opisina ng LTO, dapat may managot
- BULGAR

- May 7
- 1 min read
by Info @Editorial | May 7, 2026

Hindi biro ang nabuking na pekeng satellite office ng Land Transportation Office (LTO) sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa pagsalakay ng mga otoridad, natuklasan ang isang gusaling may signage na “LTO Office, Malasiqui District Office,” ngunit wala pala itong pahintulot mula sa pamahalaan.
Sa entrapment operation, iginiit ng suspek na may karapatan silang magtayo ng opisina dahil asawa siya ng isang barangay captain. Sinabi rin niyang “on process” pa ang kanilang akreditasyon. Pero ayon sa LTO, wala silang inaprubahan o kahit pending na aplikasyon sa naturang lugar.
Sa loob ng opisina, narekober ang mga pekeng driver’s license, vehicle registration papers, LTO forms, at maging uncut counterfeit money.
Hindi ito simpleng panloloko. Ipinapakita nito ang kahinaan sa regulasyon at pagpapatupad ng batas, pati na rin ang kagustuhan ng ilan na umiwas sa tamang proseso.
May pananagutan din ang publiko. Ang pagtangkilik sa pekeng serbisyo ay paglabag sa batas at naglalagay sa panganib sa lahat, lalo na kung ang lisensya ay hindi dumaan sa tamang proseso.
Hindi sapat ang paghuli sa mga sangkot. Kailangan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas, mas malinaw na sistema, at disiplina mula sa mamamayan.



Comments