PBBM, investors, may forum sa hotel, sinugod... Pulis at raliyista nagpang-abot, 43 sugatan, 4 arestado

ni Mervin Reyes @News | September 11, 2026

Photo: Nagpambuno sa sahig ang mga awtoridad sa paghuli sa isang raliyista matapos ang nangyaring komosyon sa kalagitnaan ng kilos-protesta sa harapan ng Grand Hyatt Hotel sa BGC, Taguig kontra sa isinasagawang Luzon Economic Corridor Investors Forum ng iba't ibang international delegates at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa pagtatayo ng American company na Pax Silica sa bansa. (Jeff Tumbado)
Apat ang naaresto at hindi bababa sa 43 katao, kabilang ang mga pulis at raliyista, ang iniulat na nasugatan matapos magkasagupaan ang Southern Police District (SPD) at mga progresibong grupo sa labas ng isang hotel sa Taguig City kahapon ng umaga.
Isinasagawa sa hotel ang Luzon Economic Corridor Investment Forum na dinaluhan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., U.S. Ambassador Lee Lipton, mga kinatawan ng US Trade and Development Agency at iba pang foreign delegates.
Ayon kay SPD deputy district director for operations Police Col. Robert Baesa, nasa 100 raliyista ang lumahok sa lightning rally. Apat ang naaresto at nananatili sa kustodiya ng pulisya.
“Kakasuhan ‘yun. Una, illegal assembly wala namang permit dito sa [Bonifacio Global City] dito mag-rally, eh,” ani Baesa.
Sinabi ni Baesa na hindi pulis ang nagsimula ng gulo at sinubukan umano ng mga raliyista na pumasok sa venue.
Tinatayang 16 na pulis ang nasugatan at nilapatan ng lunas ng police medics. Nasa 200 pulis ang ipinakalat sa lugar at iginiit ni Baesa na maximum tolerance ang ipinatupad.
Samantala, sinabi ni Kalikasan People's Network for the Environment communications officer Marco Tueres na 27 raliyista ang nasugatan dahil umano sa pagtulak, paghila, pananakit gamit ang riot shields at police batons.
Ayon kay Tueres, nagtamo ang mga raliyista ng mga sugat, pasa at pamamaga sa kamay at braso matapos umanong tamaan ng mga shield at batuta.





Comments