top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Paulit-ulit inabuso ng tiyuhin, gusto nang tumakas

BULGAR
Oct 12, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 12, 2021


Dear Sister Isabel,


Magpapatulong ako sa inyo tungkol sa problemang dinadala ko. Hirap na hirap na kasi ang kalooban ko kung paano sosolusyunan ang problema ko ngayon. Nandito ako sa bahay ng tita ko dahil kinuha niya akong kasambahay. Dalawa lang sila rito sa bahay ng asawa niya na may talyer at nagkukumpuni ng mga sirang sasakyan.


Sa una pa lang, napansin ko na malagkit ang tingin sa akin ng tito ko, na para bang may pagnanasa sa akin at hindi nga ako nagkamali. Pinasok niya ako sa kuwarto ko habang wala sa bahay ang tita ko dahil nagtatrabaho siya sa isang malaking kumpanya.


Hinawakan niya ang maselang parte ng katawan ko habang may hawak siyang kutsilyo. Hindi ako makasigaw dahil sa takot na saksakin at patayin niya ako ‘pag pumalag ako. Dahil du’n, nagtagumpay siya sa masama niyang balak. Binantaan din niya ako na may masamang mangyayari sa akin ‘pag sinabi ko kay tita ang ginawa niya.


Gusto ko nang tumakas, pero hindi ko naman alam ang pauwi sa amin. Nasundan pa ang masamang ginagawa ng tito ko sa akin at hindi ko ito masikmura. Ano ang dapat kong gawin para matapos na ang problema ko? Sana ay matulungan ninyo ako sa lalong madaling panahon.


Nagpapasalamat,

Thelma ng Parañaque



Sa iyo, Thelma,


Hindi ka na dapat manatili pa sa bahay na ‘yan. Kung may pagkakataon ka, pumunta ka sa barangay at magpatulong. Hindi naman siguro sa lahat ng oras ay busy sa talyer ang tiyuhin mo, kaya itaon mo na wala siya sa talyer at pumunta ka agad sa barangay ninyo at sabihin ang lahat. Agad na dadakpin ang tito mo, basta’t napatunayang nagsasabi ka ng totoo.


Mabibigyan ka ng proteksiyon d’yan sa barangay at tuluyan nang ihahatid sa tunay mong tirahan. Hindi mo nasabi kung may magulang ka pa at kung menor-de-edad ka, gayunman, huwag kang mag-alala dahil tutulungan ka ng DSWD sa inyong lugar upang malutas na ang problemang dinaranas mo sa kasalukuyan.


Isa pa, huwag ka nang mag-alala sa tita mo, mabuti nang hangga’t hindi pa tuluyang lumala ang mga pangyayari ay nalaman na niya ang kahayupan ng asawa niya.


Huwag kang mawalan ng pag-asa, malalagpasan mo ang pagsubok na ‘yan sa buhay mo at isang araw ay magugulat ka na isang umagang kay ganda ang bubungad sa iyo. Ugaliin mo ring magdasal araw-araw, hingin ang patnubay, awa at tulong ng Maykapal.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page