Paraan para matanggap ang pagkatalo, alamin!
- BULGAR
- May 22, 2022
- 2 min read
ni Mharose Almirañez | May 22, 2022

“Napakahirap mong mahalin!” Sumbat ni misis sa babaero’t gastador na mister.
Umaasa siya na magbabago ang asawa upang ayusin ang kanilang pamilya, alang-alang sa mga bata. Subalit makalipas ang anim na taong pagsasama ay natukso na naman ito at nagpalamon sa bulok na sistema.
Bagama’t hindi pa tapos ang laban ay posibleng may nanalo na sa puso ni mister. Nakakalungkot lang isipin na nadamay pa sa kanilang gulo ang iba nilang kamag-anak at kaibigan. Nahalungkat din, maging ang milyones nilang utang at iba pang kalokohan noon.
Dapat pa nga bang lumaban si misis kahit matagal nang sumuko si mister? Sino sa kanila ang totoong talunan? Paano na ang mga bata?
Sa artikulong ito ay ilalahad ko sa inyo ang madaling paraan para matanggap ang pagkatalo:
1. ‘WAG MAGPADIKTA. Ito ‘yung mga bulong sa paligid na nagsasabing gantihan mo siya. Gawin mo kung ano ang ginawa sa ‘yo. Naku, mare, ‘wag na ‘wag kang magpapadikta sa bulong at sulsol dahil kung gagawin mo ‘yan ay wala ka na ring pinagkaiba sa cheater.
2. MAGING MULAT. Since nagising ka na sa katotohanan, mahirap nang baliin ang iyong mga paniniwala. Kaya naman, ‘wag na ‘wag kang magiging marupok kung sakaling bumalik siya sa ‘yo dahil paniguradong uulitin lang nito ang ginawang panloloko sa ‘yo noon. Never again, mare.
3. SUPORTAHAN NA LANG SILA. Marami na ang nagpahatid ng pagbati sa kanilang relasyon, at tila “Congratulations”, “Best wishes,” at “Regards” na lang mula sa ‘yo ang kulang upang tuluyan silang maging masaya. So, mare, ‘wag ka nang maging bitter. Ipaubaya mo na sa “other woman” ang minsang naging sa ‘yo. Maniwala kang hindi niya kokontrolin, aabusuhin at ipapahamak ang iyong pinakamamahal. Maniwala ka sa kakayahan niya at suportahan na lamang sila.
4. LUMAYO. Habang nagninilay-nilay ka sa malayong lugar, malaya ka ring makipagkilala sa iba’t ibang tao, kumbaga, mag-build ka ng mas maraming connections. Malay mo, sa iyong pangingibang-bansa ay du’n ka makahanap ng bagong partner.
5. MAGNILAY-NILAY. Isipin mong maigi ang iyong mga nagawa sa nagdaang anim na taon. Kung sa tingin mo ay hindi ka nagkulang, baka naman kasi sumobra ka? Ano bang mayroon ka na wala ‘yung iba? Bakit siya at hindi ikaw? Kanino ka ba nakikinig? Puwede ring wala sa ‘yo ang problema kundi nasa mga taong nakapaligid sa iyo.
Iba’t iba man ang pinagdaraanan natin sa buhay, may mga laban talagang hindi natin sinusukuan sa pag-asang magkakaroon ng pagbabago. ‘Yun nga lang, hindi sapat ang pagmamahal para ipanalo ang laban na mayroong ibang isinisigaw.
Gets mo?








Comments