- BULGAR
Paraan para makapag-asawa ang Taurus na ayaw tumandang dalaga
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 3, 2022
Dear Maestro,
Nasa ibang bansa ang mga magulang ko dahil kinuha sila ng kapatid ko na nasa Ireland. Nakatira naman ako sa luma naming bahay kasama ang dalawa kong pamangkin. Kaya lang, habang nagkaka-edad na ako, ngayon ko lang nare-realize ang katotohanang hindi pala mahalaga kahit may pera ka at may magandang career kung wala namang nagmamahal sa iyo.
Ibig kong sabihin, wala akong boyfriend ngayon, kaya feeling ko ay hindi matagumpay ang buhay ko. Noon, may mga seryoso akong manliligaw, pero nawala na rin silang lahat at ang pagkakaalam ko ay may asawa na sila.
Sa edad ko bang 31, magkaka-boyfriend at makakapag-asawa pa ba ako kahit wala naman akong seryosong manliligaw ngayon? Sabi ng ate ko na nasa abroad, pumunta na lang din ako sa Ireland, pero ayaw ko dahil baka lalo akong hindi makapag-asawa, wala naman kasi akong balak mag-asawa ng foreigner dahil ang gusto ko ay kapwa natin Pinoy. Pero ang hindi ko alam ay kung may darating pa ba, kung mayroon naman, kailan siya darating? Gayundin, siya na ba ang makakasama ko habambuhay? May 6, 1991 ang birthday ko.
Umaasa,
Marianne ng San Vicente, Jaen, Nueva Ecija
Dear Marianne,
Dahil masyadong naka-concentrate sa career ang mga Taurus, higit lalo ang tulad mo na may birthday na 6, kadalasan ay nakakalimutan na rin nila ang mga bagay na may kaugnayan sa pag-ibig at pag-aasawa. At kung hindi maalala ng Taurus na may birth date na 6, 15, at 24 ang kahalagahan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, gayundin ang pagtatayo at pagbuo ng pamilya, malaki ang tsansa na tumandang dalaga o binata siya.
Ang tanong, paano at ano ang dapat gawin para makapag-asawa ang Taurus na may birth date na 6 at destiny number na 4? Naging 4 ang destiny number mo dahil ang birthday mong May 6, 1991 ay kinokompyut nang ganito: 5+6+1991=2002/ 20+02=22/ 2+2=4.
Madali lang ang sagot. Siyempre, ang una mong gagawin ay palagi mong isuot ang suwerteng kulay ng mga Taurus na may birth date na 6, at ito ay ang red o pula. Palagi kang magsuot ng pula at kapag sawa ka na rito, puwede rin ang pink, purple at lilac. Pagpalit-palitin mo ang nasabing mga kulay tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15 at 24, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Habang paminsan-minsan, gamitin mo rin ang designated color para sa destiny number mo na 4. Ito ay ang kulay na dilaw, isusuot mo ito tuwing sasapit ang mga petsang 4, 13, 22 at 31.
Pagkatapos, kailangang ma-reverse mo ang kapalaran sa pamamagitan ng pag-aayos ng tamang tabas ng buhok. “Reverse” ang ginamit nating salita, ibig sabihin, mula sa void na puso at zero na love life, kailangang magkalaman ng pag-ibig ang iyong puso at magkaroon ng karelasyon ang iyong pagkatao. At dahil reverse ang pormula, tatanungin kita ngayon, mahaba o maikli ba ang tabas ng iyong buhok?
Kung maikli ang iyong buhok, para ma-reverse mo ang malungkot na kapalaran na walang boyfriend, magpahaba ka naman ng buhok, at kung mahaba na ang buhok mo ngayon, magpaikli ka naman.
Sa napakasimpleng pormula na ‘yan, tulad ng naipaliwanag na, magbabago ang buladas o awra ng iyong mukha, at kasabay nito, mare-reverse ang kapalaran mo sa larangan ng pag-ibig, bigla kang magkaka-boyfriend, hanggang sa bandang huli, tuloy-tuloy ka na ring makakapag-asawa at habambuhay na liligaya.
Pagkatapos, kailangang palagi kang lumabas ng bahay at makisalamuha sa iyong mga kakilala at kaibigan sa mapalad mong panahon. Ang the best mong panahon ay mula sa ika-21 ng Abril hanggang ika-27 ng Mayo; mula sa ika-21 ng Agosto hanggang sa ika-27 ng Oktubre, at mula sa ika-21 ng Disyembre hanggang ika-27 ng Enero.
Sa sandaling nagawa mo ang mga simpleng pormula na nabanggit, hindi pa huli ang lahat dahil sa taon ding ito ng 2022 hanggang 2023, magkaka-boyfriend ka at pagsapit ng edad mong 31 pataas, matutuwa ang iyong pamilya at magagalak ang iyong mga kaibigan, magdiriwang ang lahat at sasabihin nila na, “Salamat at nakapag-asawa na rin si Marianne!”