- BULGAR
Paraan para i-handle ang stress
ni Mharose Almirañez | July 3, 2022

Stressed na stressed ka na ba sa life? Sa dami ng pasabog ngayong 2022, sino ba naman ang hindi mai-stress sa dagdag-pasahe at sa napakataas na presyo ng gasolina’t iba pang bilihin? Mapapakamot-ulo ka na lamang talaga sa tuwing maririnig ang salitang, “Bawat pamilya ay may P10-K” at ang maretorikang pangako na magiging P20 na lamang ang kilo ng bigas.
Pumalo na sa 5.4% ang inflation rate ng Pilipinas noong Mayo ngayong taon, batay sa tala ng Philippine Statistic Authority (PSA). May posibilidad na lalo pa itong tumaas sa mga susunod na buwan dahil sa patuloy na iringan ng magkakapitbahay na bansa at sa paglaganap ng mga bagong karamdaman. Idagdag na rin sa stress ang patung-patong na buwis at ang hindi mabawas-bawasang utang ng bansa.
Kung tutuusin ay kakarampot lamang ang stress na pinagdaraanan natin ngayon kumpara sa stress na sasalubong sa ating bagong administrasyon. Kaya upang makabawas sa stress o problemang kinakaharap ng bansa, narito ang ilang dapat gawin sa tuwing nai-stress ka:
1. ISIPIN ANG PROS AND CONS NG GAGAWING AKSYON. Ipagpalagay nating hindi angkop ang natatanggap mong sahod sa dami ng trabahong ibinabato ng iyong boss. Kaya sa sobrang stress ay pipiliin mo na lamang ang mag-resign. Ang tanong, may malilipatan ka na ba? Bago ka gumawa ng aksyon, isaalang-alang mo muna ang advantages and disadvantages ng pagre-resign dahil baka dumagdag ka lang sa unemployment rate ng ‘Pinas. Hindi porke stressed ka sa work ngayon ay susuko na. Tandaan, napakaraming aspiring employees ang nangangarap sa posisyon mong ‘yan. Besides, hindi ka naman palaging stressed sa work, ‘di ba? Paniguradong may mga panahong pa-chill-chill ka lang. So, bago ka mag-submit ng resignation letter, think multiple times.
2. PAKINGGAN ANG OPINYON NG IBA. Kumbaga, kung mas marami kang naririnig na opinyon, mas marami kang options na puwedeng ikonsidera sa pagdedesisyon. Sabihin na nating ikaw pa rin naman ang masusunod sa huli, pero ‘di ba, mas nakakalinis ng utak kung maririnig mo rin ang panig ng iba—hindi ‘yung puro ikaw lang? Sa kabilang banda, mayroong ilang indibidwal na mas nai-stress pa sa dami ng side comments na naririnig sa paligid. ‘Yung tipong, wala ka nang ibang narinig kundi puro ka-negahan, kaya pati ikaw nagiging nega na rin. So, kung binging-bingi ka na sa mga naririnig mong ka-toxic-an, narito ang tip no. 3.
3. MAGPAKALAYU-LAYO. Kailangan mo munang dumistansya sa maingay na paligid. Simulan mong mag-travel sa malayo para ma-refresh ang iyong utak. Kayanin mong mag-isa habang inaanalisa ang mga bagay-bagay. Putulin mo ang komunikasyon sa mga taong dahilan ng iyong stress. Hanapin mo ang iyong sarili, sapagkat walang ibang taong makakatulong sa iyo kundi ikaw lamang.
4. TINGNAN ANG SARILI SA SALAMIN. Makipagtitigan ka lang sa ‘yong nangangalum-mata’t ‘di maipintang ngiti sa mga labi sa harap ng salamin. Titigan mong maigi kung gaano ka kaganda at isipin kung gaano kasarap mabuhay sa kabila ng napakaraming problema. Habang iniisip mong maigi ang lahat ng bumabagabag sa ‘yo, mamamalayan mo na lamang na unti-unti ka na palang napapangiti. Tapos matatawa ka na lamang sa nangyayari at tatawanan mo ang stress. Kilala tayong mga Pinoy bilang palangiti, kaya minsan, mahirap na tayong ispelingin dahil palagi tayong nakangiti sa kabila ng napakaraming problema, at kung kukumustahin mo naman ay walang ibang bukam-bibig kundi “Okay lang ako.”
5. KAUSAPIN ANG DIYOS. Ang pakikipag-usap sa Diyos ay parang pakikipag-usap mo na rin sa ‘yong sarili. Nakakagaan sa pakiramdam tuwing mataimtim mong nasasabi ang mga nakapagpapabigat sa loob mo. ‘Yung nagiging vocal ka, ‘yung naa-analyze mo verbally ‘yung thoughts mo, ‘yung hindi ka magdadalawang-isip na huhusgahan ka Niya sa anumang sinasabi mo. Ang totoo ay napakaraming puwedeng ipagpasalamat sa Diyos, kaya sana ay hindi ka lang tuwing problemado nakikipag-usap sa Kanya.
6. KUMONSULTA SA DOKTOR. Ayon kay Dr. Karl Albrecht, mayroong apat na klase ng stress; ang time stress, anticipatory stress, situational stress, at ang encounter stress. Ma-recognize mo man kung anong klaseng stress ang pinagdaraanan mo ay hindi pa rin ganu’n kadaling i-handle ito. Mahirap ang mag-self meditate kaya mainam kung sasangguni ka na sa espesyalista upang mabigyan ng karampatang treatment.
Bawat tao ay nakararamdam ng stress physically, emotionally, lalong-lalo na financially, kaya mahalagang malaman kung saan ka ba talaga nai-stress. Minsan, akala natin ay normal lamang ang ma-stress, pero kung mapapadalas na ay maaari itong magdulot nang pagkabaliw o mauwi sa pagiging suicidal.
Mainam kung araw-araw ay mayroong kumukumusta sa atin. Kahit paulit-ulit na “Okay lang” ang isagot ay malaking tulong pa rin ang pagkumusta sa mga taong stressed.
Kaya, beshie, kumusta ka?