Para sa Ilocos Norte, 'di puwedeng maliit... Sandro, pumalag sa P4.7B budget

by BRT @News | November 14, 2026

Photo: Sandro Marcos - FB
Ipinagtanggol ni Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ang malaking alokasyon ng pondo para sa kanyang distrito sa panukalang 2027 national budget at iginiit na hindi siya papayag na bawasan ito.
“Trabaho ko po ay manigurado na ang Ilocos Norte ang may pinakamalaking budget talaga,” pahayag ni Marcos.
Batay sa datos ng People's Budget Coalition, aabot sa P4.74 bilyon ang panukalang alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa distrito ng kongresista.
“Anong klaseng congressman ako kung babawasan ko ang budget ng aking probinsya?” ani Marcos.
Ayon sa mambabatas, inatasan umano siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mabibigyan ng sapat na atensyon at pondo ang Ilocos Norte matapos ang mahabang panahon na, aniya, ay napabayaan ang mga pangangailangan ng lalawigan sa mga proyekto at serbisyo.
Dahil dito, iginiit ni Marcos na hindi niya susuportahan ang pagbabawas sa panukalang pondo, na aniya ay kulang pa rin upang matugunan ang mga pangangailangan ng lalawigan.
“Sa mga tao na nagsasabi na ngayong taon lahat ng ipinaglaban natin na budget para sa Ilocos Norte ay masyadong malaki, ang gusto kong sabihin sa kanila, masyadong maliit pa rin,” dagdag niya.
Kabilang sa mga proyektong nangangailangan pa umano ng pondo ang paglalagay ng streetlights, pagtatayo ng multipurpose buildings, pagkumpleto ng covered courts at pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga residente.
“Basta 'andito ako bilang diputado ng Primero Distrito, itutuloy ko po ang paglalaban sa inyong lahat,” ani Marcos.





Comments